DALAWA ang naitalang namatay sa Malabon City at isa naman sa Valenzuela City dahil sa COVID 19 noong Agosto 2.
Bunsod nito ay umakyat sa 467 ang COVID death toll sa Malabon City.
Ayon sa City Health Department ng nasabing lungsod, 79 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 14,317 ang positive cases, mula sa nasabing bilang ay 512 ang active cases.
Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangays Baritan (18), Concepcion (11), Flores (4), Hulong Duhat (2), Longos (10), Muzon (4), Niugan (1), Potrero (2), San Agustin (3), Tañong (1), Tonsuya (11), at Tugatog (12).
Sa kabilang banda, 26 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sila ay mula sa Barangays Concepcion (5), Flores (1), Hulong Duhat (5), Longos (3), Niugan (1), San Agustin (5), Tonsuya (3), at Tugatog (3). Sa kabuuan ay 13,338 ang recovered patients ng Malabon.
Mula naman sa 564 noong Hulyo 30 ay naging 565 na ang COVID death toll sa Valenzuela City, ayon sa ulat na inilabas ng City Health Office-City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na may petsang Agosto 2.
Mula naman 466 active cases noong Hulyo 30 ay naging 523 ang active cases sa nasabing update o karagadang 57 aktibong kaso.
Pumalo na sa 22,001 ang confirmed COVID cases sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 20,913 na ang gumaling.
Kapansin-pansin na hindi na nakasaad sa update ng CESU sa social media kung ilan ang nadagdag sa bilang ng mga namatay, active cases, confirmed cases at recovered para sa nasabing araw. (ALAIN AJERO)
