3 RIDERS BUKING SA DROGA SA CAVITE CHECKPOINT

CAVITE – Nabuking ang itinatagong umano’y droga sa tatlong motorcycle riders sa ikinasang Oplan Sita ng mga awtoridad sa checkpoint sa Bacoor City noong Martes ng umaga.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek na sina alyas “Chris”, ng Brgy. Ligas 2, Bacoor City; “Nel”, ng Brgy. Zapote 2, Bacoor City, at “Ed” ng Brgy. San Jose 2, Noveleta, Cavite.

Ayon sa ulat, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga operatiba ng Bacoor Component City Police bandang alas-10:30 hanggang 11:30 ng umaga sa Barangay Zapote 1, Bacoor City at sinita ang mga suspek dahil sa paglabag sa iba’t ibang traffic violations.

Unang ininspeksiyon si Chris pero habang kinukuha nito ang kanyang driver’s license sa sling bag, tumambad sa awtoridad ang isang pakete ng marijuana, sumunod naman si Nel pero habang kinukuha nito ang mga dokumento sa kanyang compartment, bumulaga sa awtoridad ang sachet ng hinihinalang shabu, habang isang tooter at botelya na may lamang liquid ng hinihinalang shabu, ang nakita naman sa compartment ng motorsiklo ni Ed, na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto. (SIGFRED ADSUARA)

133

Related posts

Leave a Comment