“OUR stringent efforts to get the custody of on the loose criminals has been paying off,” pahayag kahapon ni PNP-PRO5 Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo matapos mahuli ng kanyang mga tauhan ang tatlong most wanted fugitives sa kasong murder at rape kasunod ng isinagawang serye ng manhunt operation nitong nakalipas na linggo.
Unang nadakip ang tinaguriang top 3 most wanted ng Sorsogon na kinilalang si Clarino Malazarte Oyon-oyon, 42, ng Brgy. Salvacion,
Bacon District, Sorsogon City dahil sa kasong murder.
Sa bisa ng warrant of arrest, sinalakay ng PRO5-Sorsogon City Police Station (lead unit), katuwang ang mga operatiba ng HPT-Sorsogon at 1st Sorsogon PMFC, sa pamumuno ni P/Col. Art Brual, Sorsogon Provincial Director, ang pinagtataguan ni Oyon-oyon sa Brgy. Salvacion.
Winakasan naman ng PNP-PRO5 Masbate ang 19 na taong pagtatago ni Amesi Flores Caliwan, 52, ng Sitio Mangga, Brgy. San Pedro, Cataingan, Masbate.
Si Caliwan, sinasabing no.1 most wanted ng Cataingan municipality, ay magtago makaraang makapatay. Walang piyansang inirekomenda para sa suspek si Judge Manuel L. Sese ng RTC Branch 49, Fifth Judicial Region, Masbate City.
“We don’t adjust the goal, we adjust the sail,” pahayag ni PBGen. Estomo matapos na madakip ang suspek ng mga elemento ng PRO5-Masbate-Cataingan Municipal Police Station katuwang ang PIT5 RIU at Masbate IOS-FIID.
“I just want a clean slate record for persons at large,” pahayag pa ni Gen. Estomo nang mahulog sa kamay ng batas ang rape suspect na kinilalang si Clifford Labo Dellosa Jr. ng Brgy. Buhatan East District, Sorsogon City.
Si Dellosa na inakusahan ng panggagahasa sa isang menor de edad noong Oktubre, ay dinakip ng PRO5 Sorsogon City Police Station (lead unit), katulong ang mga operatiba ng HPT-Sorsogon at 1st SPMFC sa ilalim ng pamumuno ni Col. Brual.
Ang mga nadakip ay pawang nasa kustodiya na ng PNP-PRO5 bago ang itinakdang pagbabalik ng warrant of arrest sa issuing court. (JESSE KABEL)
213