NAKUMPISKA ng mga awtoridad ang mahigit P.3 milyong halaga ng umano’y shabu nang madakip ang tatlong drug personalities sa isinagawang buy-bust operation sa Valenzuela City noong Lunes ng gabi.
Kinilala ni Valenzuela City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) chief, P/Lt. Joel Madregalejo ang arestadong mga suspek na sina Jimmy Iligan, 46, construction worker; Darius Cabrales, 55, aircon technician, at Ernesto Savarez, 50, construction worker, pawang ng Brgy. Marulas.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Ana Liza Antonio kay Valenzuela Police chief, Col. Ramchrisen Haveria Jr., dakong alas-7:30 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU, sa pangunguna ni P/Lt. Madregalejo, ng buy-bust operation sa #34 De Guzman St., Brgy. Marulas.
Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng P7,000 halaga ng droga ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakumpiska sa mga suspek ang pitong sachet na naglalaman ng 50 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P340,000, at buy-bust money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (FRANCIS SORIANO)
