CAVITE – Patay ang tatlong hinihinalang tulak matapos nakipag-palitan ng putok sa mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan.
Kinilala ang mga napatay na sina Jomarie Hara, alyas “Jojo Muslim”, 24, ng Tropical Village, Pabahay 2000, Brgy. San Francisco, Gen. Trias City; Reymark Chaves, alyas Mac-Mac, ng Brgy. Molino 3, Bacoor City, Cavite, at Jeffrie Cornejo, alyas Jeff, tinatayang 35-40 anyos, ng Gen. Mariano Alvarez (GMA).
Ayon sa ulat ng Cavite Police Provincial Office (PPO), dakong ala-1:30 noong Biyernes ng hapon, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Drug Enforcement Unit (DEU) ng Gen. Trias City Police Station, sa Tropical Village, Pabahay 2000, Brgy. San Francisco, Gen. Trias City kung saan target si Hara ngunit nagkaroon ng palitan ng putok habang isinasagawa ang transaksyon na nagresulta sa pagkamatay nito.
Nakuha kay Hara ang isang kalibre .45 na baril at 15 gramo ng hinihinalang shabu.
Tinatayang 50 gramo o P340,000 halaga ng shabu ang nakumpiska naman kay Chavez, na isang High value Individual (HVI), sa isinagawang buy-bust operation dakong alas-11:00 noong Biyernes ng gabi sa Brgy. Molino 3, Bacoor City, Cavite.
Sa kalagitnaan ng transaksiyon, nahalata ng suspek na pulis ang kanyang kausap kaya nagbunot ito ng baril at ipinutok sa awtoridad.
Nagkaroon ng habulan nang tumakas ang suspek ngunit nanaig ang puwersa ng pulisya at nagkaroon ng palitan ng putok na nagresulta sa kamatayan ni Chavez
Nagkaroon din ng palitan ng putok sa pagitan ng mga awtoridad at suspek na si Cornejo matapos ang isinagawang buy-bust operation dakong alas-3:30 nitong Sabado ng madaling araw sa Brgy. Olaes, Gen. Mariano Alvarez (GMA).
Sa kalagitnaan ng transaksiyon, nagbigay ng pre-signal ang poseur buyer na nahalata ni Cornejo dahilan upang magbunot ng baril at ipinutok sa pulis ngunit nagmintis kaya gumanti ang huli na nagresulta sa kamatayan ng suspek. (SIGFRED ADSUARA)
