31 reported casualties dahil sa baha at landslides VISAYAS AT MINDANAO INILUBOG NI TYPHOON PAENG

HINDI pa ganap na bumabagsak sa kalupaan ang bagyong Paeng ay inilubog na nito ang maraming lugar sa Visaya at Mindanao nang lumikha ito ng flashfloods at landslides.

Sa pinagsama-samang  ulat na nakalap at kasalukuyang pang bineberipika ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, sinasabing nasa 31 ang reported casualties sa Maguindanao (16 sa Datu Odin Sinsuat, 10 sa Datu  Blah, at lima sa  Upi).

Nabatid na walang typhoon signal na ibinaba sa bahagi ng Maguindanao kaugnay sa paparating na pananalasa ng bagyong Paeng subalit maraming  lugar sa Cotabato at  Maguindanao ang inilubog sa mahigit limang talampakang tubig-baha na lumikha ng landslides.

Base sa ibinahaging ulat ni BARRM Interior and Local Government Minister Naguib Sinarimbo, 31 ang iniulat sa kanyang bilang ng mga namatay dahil sa flashfloods at landslides sa Maguindanao.

“Sa Datu Odin Sinsuat, meron tayong bagong numbers na nireport nung tao sa baba so for Datu Odin Sinsuat, ang latest report nila is 16 na (mula sa dating tatlo), ani Sinarimbo.

Sa Upi, Maguindanao ay may limang reported casualties at sampu naman sa Datu Blah.

Pinangangambahang lalaki pa ang bilang ng mga namatay dahil dumarating pa lamang ang mga report habang may mga reported missing din bunsod ng baha at landslides.

Nasa 67,000 na ang affected population sa Cotabato City na may 300,000 residente.

Patuloy pa rin ang ginagawang monitoring ng Rapid Emergency Action on Disaster Incident o READI-BARMM para sa iba pang casualties,

“so far ang data natin ay meron tayong sampung minisipyo including the City of Cotabato ang affected nung flooding and then may mga landslide din sa Datu Odin, Datu Blah, South Upi. Ang mga affected na munisipyo as of today as of this time, Parang, Sultan Mastura, Sultan Kudarat, Cotabato City, Datu Odin Sinsuat, Datu Blah Sinsuat, Ipi, South Upi, Northern Kabuntalan, Guindulungan, at merong dalawa ‘yung flooding dito e, sa Cotabato City, at saka ‘yung iba pang munisipyo rising level lang, so tumaas ‘yung tubig pero paunti-unti simula kaninang madaling araw, mga around 4 o’clock ang talagang kasagsagan ng mataas ‘yung tubig hanggang sa kaninang early morning na. Pero sa kaso ng Datu Blah at Datu Odin Sinsuat, dito ‘yung may mga namatay,” bahagi ng impormasyong ibinigay ni Sinarimbo.

Nagsimulang pumasok ang tubig baha sa iba’t ibang bayan sa Maguindanao  bandang madaling araw at mabilis itong nanalasa tangay ang mga nabunot na puno, bato at putik na mabilis na nakarating sa mga kabayanan hanggang sa lalawigan ng Cotabato City.

May pitong iniulat na nawala base sa inisyal report na nakalap ni Naguib Sinarimbo, regional government civil defense chief.

“Our focus at this time is rescue as well as setting up community kitchens for the survivors, although the exact number of people affected was not yet known,” aniya pa.

Nabatid na naglabas naman ng babala ang pamahalaan subalit nabigla ang mga tao sa hindi inaasahang pagbuhos ng ulan at pagbaha,

Ayon kay Sinarimbo “nag-issue tayo actually ng advisory kahapon sa regional government to the DRRM na nag-update tayo ng alert kahapon dahil sa bagyo, so may mga preparations naman pero unfortunately ito talaga more than what people normally expects na rainfall, the whole night (kamakalawa ng gabi) kasi umulan e, hanggang ngayon (kahapon) meron pa ring ulan pero hindi kasing lakas nung kagabi so talagang malaki ‘yung volume ng water”.

Lubhang naapektuhan din ang Cotabato City, nasa 90 percent ng mga barangay ang apektado ng mataas na tubig baha na umabot hanggang sa bubungan ng mga bahay.

“Talagang malalim sa ngayon dahil first time na pumasok din sa bahay namin, in decades na nandito kami sa Cotabato, hindi pa pumapasok sa bahay namin ‘yung flood, ngayon pa lang, kaninang alas-kwatro madaling araw.”

“Yung sa Cotabato City, may mga sections na mataas talaga, umabot sa bubong, sa North Upi, karamihan talaga dun sa Poblacion mismo umabot sa bubong ng mga bahay ng tao.”

Napag-alamang na naka-code red ngayon ang BARM dahil sa inaasahang pagtaas pa ng tubig-baha na raragasa papuntang Liguasan Marsh na siyang catch basin ng mga tubig mula sa mga kalapit lalawigan gaya ng Bukidnon.

Samantala, target ngayon ng rescue operation ang Barangay Kusion na nasa paanan ng Mt. Minandar, dahil sa ulat na na-washout ang buong community kung saan may IP community na ini-relocate ang gobyerno.

‘So ang fear natin dito medyo baka maraming casualty sana naman hindi, pero ang report n’ya sa atin may mga casualties, may mga na-trap pa dun so kaya pinadalhan natin ng isang rescue team,” ayon pa sa tagapagsalita. (JESSE KABEL)

344

Related posts

Leave a Comment