ARESTADO ang apat na indibidwal nang salakayin ng mga awtoridad ang isinasagawang tupada sa Caloocan City noong Lunes ng hapon.
Kinilala ni NPD-District Special Operation Unit (NPD-DSOU) chief, P/Lt. Col. Jay Dimaandal ang mga arestado na sina Johnny Banal, 55; Noli Esquilona, 44, Ryan Capoquian, 30, at Ernesto Domingo, 68, pawang mga residente ng lungsod.
Ayon sa imbestigasyon ni P/MSgt. Julius Mabasa, nakatanggap ang mga operatiba ng DSOU mula sa isang concerned citizen ng ulat hinggil sa nangyayaring tupada sa gilid ng ilog sa Brgy. 35, Maypajo, Dagat-Dagatan.
Agad bumuo ng team ang mga operatiba ng NPD, sa pangunguna ni P/Lt. Glenn Mark De Villa, at sinalakay ang nasabing lugar dakong alas-5:30 ng hapon.
Pagdating sa lugar, naaktuhan ng mga operatiba ang mga suspek na nagtutupada na naging dahilan upang arestuhin ang mga ito. (FRANCIS SORIANO)
