NAKATANGGAP ng sumbong ang PUNA na apat (4) daw na kagawad ng Brgy. Manggahan sa Pasig City ang ayaw tumulong sa kampanya laban sa operasyon laban sa illegal drugs sa kanilang nasasakupan.
Para sa kaalaman po ng ating mambabasa, ang isang barangay ay may tinatawag na Officer of the Day na du-duty sa kanilang barangay na pinamumunuan ng kagawad.
Ang isang barangay ay mayroong pitong (7) kagawad (councilor), salit-salitan sila bilang officer of the day sa loob ng isang Linggo.
Parang mga konsehal din sila ng bayan o siyudad na may kanya-kanya silang hawak na komite, ganun din naman sa mga kongresista at mga senador.
Kasama na riyan ang chairman ng committee ng public order and safety on illegal drugs kung hindi tayo nagkakamali. Nariyan din ang komite sa health and environment at marami pang iba.
Sa tuwing magiging officer of the day ang apat na kagawad na ito ay ayaw daw pumirma sa mga nahuhuli ng pulis na sangkot sa ilegal na droga bilang witness.
Kailangan po kasi ay may barangay official na magti-testify na katunayan na may nahuli ngang suspek sa illegal drugs sa kanilang lugar. Kaya tuloy ang kampanya ng illegal drugs sa Brgy. Manggahan ay masalimuot dahil sa mga pasaway na apat na kagawad na ito.
Kung ayaw nyong magtrabaho ay umalis na lang kayo sa inyong mga sinumpaang tungkulin dahil walang pakinabang sa inyo ang mga bumoto sa inyo.
‘Wag nyo nang antayin na kayo pa ang isumpa ng inyong mga kabarangay.
Baka hindi nyo alam na kailangan ng barangay na mag-report sa Department of Interior and Local Goverment (DILG) kung ano ang inyong ginagawa sa paglaban sa ilegal na droga sa inyong mga nasasakupan.
Paging Martin Dino Sir, Undersecretary for Barangay Affairs ng DILG pakihagupit nyo nga po itong apat (4) na kagawad ng Brgy. Manggahan.
Natutulog daw ang mga ito sa pansitan sa tuwing sila ang officer of the day sa kanilang barangay.
Masama mag-isip laban sa kapwa, kaya lang kung ganito naman ang malalaman natin sa mga elected officials ay nakaka-highblood!
Bakit ayaw nyong pumirma may pinoprotektahan ba kayo, ha?!
Ang Pasig City ay kilalang pugad ng mga sangkot sa ilegal na droga, dyan nagsimula ang tinatawag na shabu tiangge.
Kung walang mga itlog ang mga kagawad na ito na hindi nakikipagtulungan sa kampanya laban sa ilegal na droga ng gobyerno mas makabubuti Usec Dino sir, pagbitiwin na lang mga iyan.
Anong gusto nilang gawin sa barangay, tatanggap lang sila ng buwanang suweldo tapos hindi sila magtatrabaho? Abay! Sinuswerte kayo!
Ipanawagan na rin natin ito kay Pasig City Mayor Vico Sotto, Sir pakitapik po ang apat na kagawad na ito mukhang hindi nila ginagampanan ang kanilang mga trabaho.
Usec Dino sir, ibubulong ko po sa inyo kung sino ang mga kagawad na yan na binabanggit ko.
Pati mga pulis riyan sa kanilang lugar nabubuwisit na rin sa kanila dahil ayaw ngang pumirma bilang mga testigo pag may nahuhuli silang mga sangkot sa illegal drugs.
Pagpapabaya sa trabaho ang hindi pakikipagtulungan ng mga kagawad na ito sa kampanya ng gobyerno laban sa illegal drugs.
Kaya pwede silang kasuhan ni Usec Dino ng DILG, sir bahala na po kayo sa kanila pag pinatawag nyo, bigyan nyo po ko ng update. Stay safe sir, mabuhay po kayo!
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operario@gmail.com.
