4 SAKONG BIGAS SA SENIOR CITIZENS ISUSULONG

senior55

(NI BERNARD TAGUINOD)

Bibigyan ng tig-apat na sakong bigas kada taon ang mga senior citizens bilang food subsidies o food assistant dahil nasa hanay umano ng mga ito ang pinakamahirap o poorest of the poor na mamamayan.

Sa House Bill (HB) 132 na iniakda ni Bukidnon Rep. Manuel Antonio Zubiri, aamyendahan ang Republic Act (RA) 7432 o The Expanded Senior Citizen Act of 2010 upang maisingit ang dagdag na benepisyong ito.

Ayon sa mambabatas, hindi matatawaran ang naging papel ng mga senior citizens sa paghubog sa mga kabataan noon kalakasan ng mga ito na siyang namumuno ngayon sa bansa.

“It is therefore our duty and privilege as their children to give them this final gift,” ani Zubiri sa kanyang panukala kaya iminungkahi nito na kada tatlong buwan ay bigyan ng tig-isang sakong bigas ang bawat senior citizens sa buong bansa.

Ayon kay Zubiri, bagama’t may mga benepisyong natatanggap ang mga senior citizens tulad ng 20 percent discount sa lahat ng kanilang kailangang mula gamot hanggang pagkain  ay  hindi pa rin umano ito sapat.

Hindi rin lahat umano ng senior citizen ay may pension lalo na ang mga nasa informal sector kaya noong 2012 umano ay naitala sa kanilang hanay ang 15.2 poverty incident.

Dahil dito, kailangan umanong alalayan ang mga ito lalo na ang mga poorest of the poor na matatanda sa pamamagitan ng bigas na ibibigay sa mga ito kada tatlong buwan.

Base sa report ng Commission on Population (PopCom), tinatayang umabot sa  8,013,059 Filipino na edad 60 anyos pataas  noong Disyembre 2018 kaya ito ang bilang ng mga makikinabang sa nasabing panukala kapag naging batas ito.

 

190

Related posts

Leave a Comment