SA gitna ng mga isyung may kinalaman sa kalusugan, iginiit ni Senador Alan Peter Cayetano ang kahalagahan ng pagtatayo ng barangay health centers kasabay ng pagsusulong ng mga specialty hospital sa iba’t ibang rehiyon.
Sinabi ni Cayetano na nasa 47.2 percent ng barangay sa buong bansa ang walang health centers.
Ipinaliwanag ng senador na mahalaga ang papel ng mga barangay health centers para sa pagpapatupad ng mga healthcare programs.
Iginiit ni Cayetano na katulad ng mga specialty hospital, mahalagang mayroon ding health centers dahil ito ay nakatutok sa pagpapanatili ng maayos na kalusugan ng mamamayan at hindi lamang sa sakit.
Kaugnay nito, hinimok ni Cayetano ang mga kasamahan na bigyang diin sa pagdinig sa budget ng Department of Health at Department of Public Works and Highways ang mga plano para sa pagtatayo ng health centers.
Bukod dito, iginiit din ng mambabatas ang kahalagahan ng pagsasanay ng mas maraming doktor, nurses at iba pang medical personnel. (DANG SAMSON-GARCIA)
793
