49TH ASEAN SUMMIT SA MAYNILA UMARANGKADA

PORMAL nang binuksan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits sa Maynila nitong Linggo, Nobyembre 15, kung saan nanawagan siya ng pagkakaisa at sama-samang pananagutan ng mga bansa sa pagtugon sa mga hamon sa rehiyon.

Sa opening ceremony na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, binigyang-diin ni Pangulong Marcos, bilang 2026 ASEAN Chair, ang kahalagahan ng regional unity at shared responsibility upang mapanatili ang katatagan at mapalakas ang kooperasyon ng mga bansang kasapi ng ASEAN.

Inilarawan ng Pangulo ang ASEAN bilang samahan ng magkakaibang bansa na kumikilos para sa iisang layunin, may kanya-kanyang pananagutan at nagkakaisa para sa kapakanan ng buong rehiyon.

Kabilang sa mga pangunahing isyung tatalakayin sa summit mula Nobyembre 15 hanggang 17 ang seguridad sa rehiyon, katatagan ng ekonomiya, seguridad sa pagkain at enerhiya, kalakalan, transnational crime, human trafficking, cybercrime, online scams at kapakanan ng mga migranteng manggagawa.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang pangangailangang palakasin ang kooperasyong pandagat o maritime cooperation upang matugunan ang mga hamon sa seguridad sa rehiyon.

“Over the coming days, alongside our external partners, the choices we will make shape how ASEAN meets the challenges of today, seizes the opportunities of tomorrow, and prepares the region for the coming generations,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Sa Nobyembre 17, pangungunahan din ng Pangulo ang 29th ASEAN Plus Three Summit at 21st East Asia Summit bago ang seremonya ng paglilipat ng ASEAN Chairship sa Singapore.

Inaasahan ding dadalo si United States President Donald Trump sa ASEAN-US Special Summit sa huling araw ng pagtitipon.

Dahil sa pagdating ng mga banyagang lider at kanilang mga delegasyon, inaabisuhan ang publiko na asahan ang mahigpit na seguridad at posibleng pansamantalang pagsasara ng ilang kalsada at pagbabago sa daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Mga Lider Magkakasunod Dumating

Sunod-sunod na dumating sa Pilipinas ang mga lider ng mga bansa at kinatawan ng mga pandaigdigang organisasyon para makilahok sa 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits na idinaraos sa Maynila mula Nobyembre 15 hanggang 17, 2026.

Isa-isang sinalubong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., bilang 2026 ASEAN Chair, ang mga dumating na lider at kanilang mga delegasyon sa pagbubukas ng summit nitong Linggo, Nobyembre 15. Kasama rin ng Pangulo si First Lady Liza Araneta-Marcos.

Kabilang sa mga dumating sina Cambodia Prime Minister Hun Manet; Lao People’s Democratic Republic Prime Minister Sonexay Siphandone; Malaysia Prime Minister Anwar Ibrahim; Singapore Prime Minister Lawrence Wong; Viet Nam Prime Minister Lê Minh Hưng; at Thailand Prime Minister Anutin Charnvirakul.

Dumating din si Myanmar Director General U Han Win Aung, gayundin ang mga lider mula sa dialogue partner countries na sina Canadian Prime Minister Mark Carney, Brunei Darussalam Sultan Hassanal Bolkiah, Indonesian President Prabowo Subianto at Brazilian President Luiz Inácio Lula da Silva.

Kabilang din sa mga inaasahang makikilahok sa mga kaugnay na pagtitipon sina United Nations Secretary-General António Guterres at International Monetary Fund (IMF) Managing Director Kristalina Georgieva.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), hindi bababa sa 19 na lider ng mga bansa at pandaigdigang institusyon ang inaasahang lalahok sa mahahalagang pagpupulong.

Tampok sa tatlong araw na pagtitipon ang mga talakayan hinggil sa seguridad, ekonomiya, kalakalan at iba pang mahahalagang usaping nakaaapekto sa rehiyon at pandaigdigang komunidad.

(CHRISTIAN DALE)

37

Related posts

Leave a Comment