WALANG KWENTA ANGAS KUNG PURO PASIKAT

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MAY karapatan ang sinomang mambabatas na batikusin ang pamahalaan, ilantad ang mga pagkukulang nito at manawagan ng wastong paggamit sa kaban ng bayan. Pero masakit pa rin sa tengang pakinggan kapag maangas o mayabang ang dating ng nagsasalita. Marami nang nabudol sa estilong palamura, maangas o maginoong bastos pero pasado pa rin. Lalong hindi nararapat na sa tindi ng pagkamuhi sa gobyerno ay pati interes ng bansa nadadamay.

Ito ang problema sa mga pahayag ni Kamanggagawa Partylist Rep. Eli San Fernando kaugnay ng paghahanda ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit and Related Summits na sinimulan na nitong Linggo, Nobyembre 15 hanggang 17, 2026. Sa kanyang satirical video, kinutya niya ang mga paghahanda ng pamahalaan at inilarawan ang paggasta para sa summit na para bang pagpapaganda lamang ito ng imahe ng mga opisyal.

Mali ang ganitong pagtingin. Regular na ginaganap ang ASEAN Summit at may takdang panahon ang bawat kasaping bansa upang maging punong-abala o host. Kapag Pilipinas ang nakatakdang mag-host, tungkulin nitong tiyaking maayos ang pagdaraos ng mga pagpupulong at pagtanggap sa mga delegado. Hindi ito simpleng palabas para sa Malacañang kundi bahagi ng pakikilahok ng bansa sa ugnayang panrehiyon, na maaari ring magbukas ng mga pagkakataon para sa kalakalan, pamumuhunan at pakikipagtulungan.

Totoong malaki ang gastos ng Pilipinas sa hosting sa ASEAN pero sabi nga ng geopolitical analyst na si Dindo Manhit, maaari namang makinabang ang bansa kapalit ng pagdaraos nito at pagtanggap sa mga pinuno ng iba’t ibang bansa.

Pagkakataon aniya ang ASEAN Summit upang higit pang mapalakas ang kooperasyon ng mga kasaping bansa sa rehiyon ng Timog-Silangang Asya.

Parang ganito ‘yan, ordinaryong pamamahay na may bisita. Kahit limitado ang kakayahan ng pamilya, gagawa ito ng paraan upang maayos silang salubungin. Hindi kailangang maghanda ng marangyang pagkain, ngunit hindi rin katanggap-tanggap na ipamukha sa mga panauhin na walang interes ang may-ari na tanggapin sila o hindi man lamang pinaghandaan ang kanilang pagdating. Ganoon din ang isang bansa. Hindi kailangang itago ang kahirapan at iba pang suliranin, ngunit hindi rin dapat pabayaan ang tungkuling maging maayos na punong-abala.

Tama namang igiit na hindi dapat maging panandalian lamang ang paglilinis sa Baclaran at iba pang lugar na daraanan ng mga delegado. Dapat ding tugunan ang kalagayan ng mga manggagawa, mahihirap at maliliit na negosyong nagsasara. Ngunit hindi kailangang pag-awayin ang mga prayoridad na ito. Maaaring maghanda para sa summit habang patuloy na nagbibigay-serbisyo sa mamamayan. Kung mahigit P22 bilyon ang inilaan para sa mga summit, nararapat lamang na ilantad ang detalye ng paggasta upang matiyak na walang korupsiyon o hindi kinakailangang gastusin. May karapatan ang publiko na maningil ng pananagutan, ngunit ang pagbanggit lamang sa malaking halaga ay hindi sapat na patunay na nasasayang ito para sa pagpapabango ng administrasyon.

Hindi kailangang gumamit ng mura upang maging matapang, at hindi nagiging mas matibay ang argumento dahil sa pang-iinsulto.

Sa labis na pagkamuhi ni San Fernando sa gobyerno, tila nalilimutan niyang hindi lamang ang administrasyon ang sakay sa sasakyang tinatahak ng bansa. Para siyang pasaherong sa sobrang galit sa drayber ay sinisipa ang sasakyan habang umaandar. Maaaring ang drayber ang nais niyang parusahan, ngunit ang lahat ng pasahero—ang bayan at mamamayan—ang nalalagay sa panganib. Hindi dapat maging bulag ang pagpuna sa gobyerno sa puntong pati kapakanan ng mga taong sinasabi niyang ipinagtatanggol ay isinasakripisyo.

Hindi pag-aari ng Malacañang o ng sinomang nakaupong opisyal ang ASEAN Summit. Pilipinas ang punong-abala, kaya tungkulin ng bansa na maayos itong isagawa. Maaaring batikusin ang pamahalaan sa mga pagkukulang nito, ngunit dapat ding kilalanin ang mga tungkuling hindi maaaring isantabi dahil lamang sa pulitika.

20

Related posts

Leave a Comment