UMAASA si Senator Mark Villar na magbubunga ang pagho-host ng Pilipinas sa ika-49 na Summit ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ng mas maraming oportunidad sa pamumuhunan, paglikha ng trabaho at benepisyong pang-ekonomiya para sa mga Pilipino at iba pang mamamayan sa Timog-Silangang Asya.
Sa ilalim ng temang “Navigating Our Future, Together,” sinabi ni Villar na dapat magbunga ang pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN ng mas matibay na ugnayang panrehiyon at konkretong hakbang upang matugunan ang mga suliraning direktang nakaaapekto sa mamamayan, kabilang ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kuryente, kawalan ng trabaho at banta sa seguridad sa pagkain dulot ng climate change gaya ng El Niño.
“Umaasa tayo na magbubunga ang pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN ng mas maraming oportunidad para sa ating mga kababayan. Mahalagang magamit natin ang pagkakataong ito upang makahikayat ng mga bagong pamumuhunan, makalikha ng trabaho, at mapalakas ang ating mga lokal na industriya. Kasabay nito, kailangan din nating tugunan ang mga suliraning patuloy na nararanasan ng ating mga mamamayan, lalo na ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kuryente,” ani Villar.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat sa 7.8 porsyento ang inflation noong Oktubre 2026 mula sa 7.2 porsyento noong Setyembre. Umabot naman sa 20.1 porsyento ang inflation sa transportasyon at 9.3 porsyento sa pabahay, tubig, kuryente, gas at iba pang panggatong.
Bagama’t bumaba sa 6.4 porsiyento ang food inflation, patuloy namang tumaas ang presyo ng bigas, na nagtala ng 20.7 porsiyentong inflation.
Samantala, batay sa September 2026 Labor Force Survey ng PSA, mahigit 2.86 milyon ang walang trabaho sa bansa, habang 5.56 milyon naman ang underemployed o mga manggagawang kulang ang oras o oportunidad sa trabaho upang matugunan ang kanilang pangangailangan.
Sinabi ni Villar na kailangan ang mas pinaigting na pagkilos at pakikipagtulungan ng mga bansang kasapi ng ASEAN upang makatulong sa pagpapatatag ng presyo ng mga pangunahing bilihin, pagpapahusay ng distribusyon ng pagkain, pagtugon sa mataas na gastos sa transportasyon at pagsusulong ng mas abot-kayang suplay ng kuryente.
Idinagdag niyang makatutulong ang paghikayat ng pamumuhunan sa manufacturing, imprastraktura at teknolohiya upang mapalakas ang mga lokal na industriya, makalikha ng trabaho at mapalawak ang oportunidad sa ekonomiya.
Sa pinagsamang ekonomiyang nagkakahalaga ng humigit-kumulang US$3.9 trilyon noong 2024 at populasyong halos 700 milyon, sinabi ni Villar na malawak ang oportunidad sa kalakalan, pamumuhunan at pagpapalawak ng negosyo sa ASEAN.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpapatibay ng ugnayan sa mga bansang kasapi ng ASEAN at pagpapabuti ng kapaligiran sa pagnenegosyo sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapasimple ng mga regulasyon, pagpapahusay ng imprastraktura at pagpapababa ng gastos sa pagpapatakbo ng negosyo upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan at matulungan ang mga lokal na negosyo na makapasok sa mas malawak na pamilihan sa rehiyon.
“Umaasa tayo na hindi lamang Pilipinas ang makikinabang sa mga oportunidad na maidudulot ng ASEAN 2026, kundi pati na rin ang ating mga kapatid sa Timog-Silangang Asya. Sa pamamagitan ng pagtutulungan, maaari tayong makahikayat ng mas maraming pamumuhunan, makalikha ng trabaho, at makapagbigay ng mas magandang oportunidad sa ating mga mamamayan sa buong rehiyon,” ani Villar.
Binigyang-diin din ni Villar na bukod sa matagumpay na pagdaraos ng ASEAN Summit, mahalagang maisalin sa mga programa at konkretong hakbang ang mga napagkasunduan at nabuong pakikipagtulungan upang mapabuti ang buhay ng mga mamamayan.
“Ang tunay na diwa ng ‘Navigating Our Future, Together’ ay ang sama-samang pagkilos ng mga bansang kasapi ng ASEAN upang magkaroon ng mas matatag na ekonomiya at mas magandang kinabukasan para sa ating mga mamamayan. Nawa’y maging daan ang ASEAN 2026 upang makamit natin ang mas inklusibo at pangmatagalang pag-unlad para sa Pilipinas at sa buong rehiyon,” pagtatapos niya.
(DANNY BACOLOD)
40 