NUMBER CODING SA METRO MANILA SUSPENDIDO HANGGANG MIYERKOLES

SUSPENDIDO ang number coding scheme sa Metro Manila mula Lunes, Nobyembre 16, hanggang Miyerkoles, Nobyembre 18, 2026, bilang bahagi ng paghahanda sa 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits na gaganapin sa bansa.

Layunin ng suspensyon na mapadali ang biyahe ng mga motorista at maiwasan ang karagdagang abala sa gitna ng mga paghahanda at aktibidad para sa pagtitipon ng mga lider at delegado mula sa iba’t ibang bansa.

Sa loob ng tatlong araw, hindi muna ipatutupad ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme sa mga lungsod na sakop ng Metro Manila.

Gayunman, pinayuhan pa rin ang mga motorista na manatiling updated sa mga abiso ng mga awtoridad kaugnay ng posibleng pagsasara ng mga kalsada at pagbabago sa daloy ng trapiko dahil sa ASEAN Summit.

‘Code Blue’ Itinaas

Itinaas naman ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang Code Blue sa Metro Manila mula Nobyembre 10 hanggang Nobyembre 20 upang matiyak ang kahandaan at agarang pagtugon sa mga posibleng emergency sa kalusugan sa buong panahon ng 49th ASEAN Summit and Related Summits.

Sa pahayag nitong Sabado, Nobyembre 14, inatasan ng DOH-MMCHD ang lahat ng personnel, retained hospitals at Treatment and Rehabilitation Centers (TRCs) na manatiling mapagmatyag at subaybayan ang mga kaganapan kaugnay ng summit.

Inatasan din ang Regional Medical Teams, WASH and Health Education Teams, at Development Management Officers (DMOs) na magpatupad ng on-call status at 12-oras na duty schedule kapag kinakailangan.

Patuloy namang babantayan ng Health Emergency Management Services (HEMS) Operation Center ang anumang emergency sa kalusugan sa pakikipag-ugnayan sa mga DMO, local government units (LGUs), Disaster Risk Reduction and Management for Health Coordinators at iba pang kinauukulang ahensya.

Emergency Response Pinakilos

Nauna nang inaktibo ang Joint Task Group on Emergency Preparedness and Response (JTGEPR) kasunod ng ceremonial send-off para sa deployment ng mga puwersang panseguridad at emergency response assets bilang paghahanda sa 49th ASEAN Leaders’ Summit na gaganapin mula Nobyembre 15 hanggang 18, 2026.

Pinangunahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang deployment at pormal na inilunsad ang task group na mananatiling aktibo sa buong panahon ng mataas na antas na pagtitipon.

Kabuuang 774 tauhan at 119 espesyal na kagamitan ang itinalaga para sa operasyon.

Kabilang sa mga ipinakalat na kagamitan ang mga ambulansya, fire truck, resource truck, engineering equipment, sasakyang pantransportasyon, Chemical, Biological, Radiological and Nuclear (CBRN) truck, mga radyo at Starlink satellite equipment.

Dumalo rin sa seremonya si Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Harold N. Cabreros, kasama sina DILG Undersecretary at Committee on Security, Peace and Order, Emergency Preparedness and Response (CSPOEPR) Chairperson Nestor B. Sanares; Department of National Defense (DND) Undersecretary at CSPOEPR Vice Chairperson Ignacio B. Madriaga; Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.; at ASEAN National Organizing Council (NOC) Director General for Operations Undersecretary Ma. Hellen B. Dela Vega.

Pinangunahan ng OCD ang JTGEPR, isang yunit sa ilalim ng CSPOEPR na nangangasiwa sa paghahanda at pagtugon sa mga emergency.

Binigyang-diin sa seremonya ang whole-of-government approach upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga darating na delegado, event organizers at publiko.

International Media Center Binuksan

Pormal nang binuksan ng Pilipinas noong Biyernes ang International Media Center (IMC) na magsisilbing pangunahing pasilidad ng mga lokal at dayuhang mamamahayag na magko-cover sa 49th ASEAN Summit and Related Summits.

Pinangunahan ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Lino Cayetano ang pagbubukas ng pasilidad, kasama sina Tourism Secretary Dita Angara-Mathay at ASEAN 2026 National Organizing Council Director-General Ma. Hellen B. Dela Vega.

Sinabi ni Cayetano na itinayo ang IMC upang mabigyan ang mga mamamahayag ng maayos at komportableng lugar para sa kanilang trabaho.

Ayon sa kanya, handa ang PCO at iba pang ahensya ng pamahalaan na tumulong sa mga lokal at dayuhang journalist sa kanilang coverage ng mga pagpupulong ng mga lider.

May nakalaang espasyo ang pasilidad para sa press briefings, news filing at broadcast operations upang masuportahan ang pangangailangan ng mga mamamahayag sa buong summit.

Samantala, sinabi ni Cayetano na inaasahang magkakaroon ng bilateral meetings si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa walong bansang dadalo sa ASEAN Summit.

Kabilang umano sa mga bansang ito ang Estados Unidos, Japan, South Korea, Australia, Brazil, Laos at India, gayundin ang United Nations.

(JULIET PACOT, JESSE RUIZ at CHRISTIAN DALE)

52

Related posts

Leave a Comment