LAGUNA – Blangko pa ang pulisya kung sino ang mga suspek sa serye ng summary execution sa lalawigang ito, nitong nakaraang linggo, na ang mga biktima hinihinalang mga sangkot sa ilegal na droga.
Pinakahuli sa mga biktima ay isang babae at isang lalaki na itinapon ang bangkay sa bangin sa bayan ng Cavinti noong Sabado ng umaga.
Base sa pagsusuri ng SOCO, natuklasan na pinahirapan muna ang mga biktima bago binaril na ikinamatay ng mga ito.
Hindi pa rin nakikilala ang dalawa na kasalukuyang nakalagak ang labi sa punerarya sa bayan ng Cavinti.
Samantala, nakilala na ang dalawang bangkay na itinapon naman sa palayan sa gilid ng highway sa bayan ng Pila noong nakaraang Huwebes,
Kinilala itong sina Alvin San Juan at Jonal Blasco na parehong taga bayan ng Sta. Cruz.
Ayon sa report ng PNP, ang dalawa ay dati nang sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga na posibleng may kinalaman sa kanilang pagkamatay.
Posible rin umanong may kinalaman sa ilegal na droga ang motibo sa pagdukot at pagpatay sa unang pares ng sinalvage na kinilalang ang magpinsang sina Jonathan David at Vins Flores na kinidnap sa San Pedro City at natagpuan ang bangkay sa tulay sa highway sa bayan ng Kalayaan.
Base sa impormasyon, ang dalawa ay sangkot umano sa pagbebenta ng ilegal na droga sa kanilang bayan sa Lumban at pansamantalang nagpapalamig sa San Pedro City matapos uminit sa mga awtoridad kung saan sila dinukot ng anim na lalaking armado ng mahahabang kalibre ng baril.
Samantala sa Quezon, dalawang nasa drug watchlist ng PNP at high value target ang magkasunod na pinabulagta at halos minuto lang ang pagitan sa Tayabas City noong Sabado ng umaga.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung parehong riding in tandem suspect ang responsable sa dalawang krimen sa halos hindi magkalayong lugar.
Unang binaril ng mga suspek ang biktimang si Bryn Castillo Leonar, 37, habang ito ay naglalakad sa kalsada sa Barangay Angeles Z4 dakong alas-7:50 ng umaga.
Makalipas lamang ang ilang minuto, dakong alas-8:00 ng umaga, binaril din ng magkaangkas sa motorsiklong mga suspek ang biktimang si Arvin Bacera Laguna, 38, sa gitna ng kalsada sa pareho ring barangay.
Inaalam ng pulisya kung magkaugnay ang dalawang krimen at kung magkakilala ang dalawang biktima na taga magkaibang barangay ng Tayabas.
Ngunit ayon sa report ng pulisya, ang dalawa ay kapwa nasa national watchlist on illegal drugs at pareho ring high value individual (HVI) level 1 ng PNP. (NILOU DEL CARMEN)
