6 SUGATAN SA SALPUKAN NG MOTOR AT 2 BUS

QUEZON – Malubhang nasugatan ang dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo nang salpukin ng kasalubong na pampasaherong bus sa ECO Tourism Road, sa Brgy. Guis-Guis San Roque sa bayan ng Sariaya sa lalawigan maghahating gabi noong Miyerkoles.

Dahil sa biglaang salpukan, napahinto ang sumalpok na bus dahilan para mabangga naman ito sa likuran ng kasunod na isa pang pampasaherong bus na ikinasugat naman ng apat na pasahero ng nito.

Ang mga nasugatan sa motorsiklo ay kinilalang sina Kurt Idea, driver; at Renz Perez, back rider.

Ayon sa report ng Sariaya Police, bandang alas-11:30 ng gabi, patungo sa direksyon ng Candelaria mula Lucena City ang motorsiklo nang salpukin ito ng kasalubong na Peñafrancia passenger bus na minamaneho ni Rodel Suello Estrella, 42, na nag-overtake sa isang sasakyan at sinakop ang linya ng motorsiklo.

Dahil sa biglang paghinto ng naunang bus, nabangga ito sa likuran ng kasunod na Dela Rosa passenger bus na minamaneho ni Ranilo Radores Cuaton, 51, na galing Alabang at patungong Lucena City at noon ay umo-overtake din sa isa ring sasakyan.

Grabeng mapinsala ang driver at backrider ng motorsiklo, gayundin ang apat na pasahero ng Dela Rosa passenger bus.

Isinugod ang mga ito sa Quezon Medical Center sa Lucena City para malapatan ng lunas.

Ikinustodiya naman ng mga pulis ang mga driver ng dalawang bus habang iniimbestigahan ang insidente. (NILOU DEL CARMEN)

39

Related posts

Leave a Comment