6,357 LITRONG KRUDO HAGIP SA PAMPANGA

KUMPISKADO sa isang operasyong ikinasa ng Bureau of Customs (BOC) ang hindi bababa sa 6,357 litro ng krudo mula sa isang gas station sa Arayat, Pampanga kamakailan.
Bitbit ang warrant of seizure and detention na pirmado mismo ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, mabilis na tumungo ang mga operatiba sa bayan ng Arayat kung saan naroroon ang isang gasoline station ng PetroMobil Corporation na una nang sinuri ng mga inspektor ng nasabing tanggapan.
Babala naman ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, mas paiigtingin pa nila ang kanilang kampanya kontra oil smuggling na aniya’y pumi­pilay sa local oil industry – bukod pa sa nawawalang kita ng gob­yerno mula sa katumbas na buwis para sa mga ipinuslit na langis sa bansa.
“Follow-up field testing ope­rations were conducted covering other identified PetroMobil stations within the National Capital Region (NCR), Northern and Southern Luzon,” saad ni Guerrero sa kanyang ulat na isinumite kay Finance Secretary Carlos Dominguez.
Bukod sa PetroMobil gas station sa Arayat, sapul din ang  isa pa nitong retail pumping station sa Angeles City. Hindi rin nakalusot ang dalawa pa nitong sangay sa lalawigan ng Rizal at Bulacan.
“These stations, as well as the identified fuel source, are subject to ongoing surveillance operations,” giit ni Guerrero sa isang pulong kasama ang iba pang opisyales ng Department of Finance kamakailan.
Hindi naman aniya magiging matagumpay ang kanilang pagtugis sa mga nagpupuslit ng mga nasabing krudo kung hindi sa pakikipagtulungan ng Philippine Ports Authority (PPA), Maritime Industry Authority (Marina), at Philippine Coast Guard (PCG) na pawang miyembro ng isang task force na binuo ng Department of Energy (DOE) sa hangarin tuldukan ang aniya’y oil smuggling sa bansa.
355

Related posts

Leave a Comment