PITONG pinaghahanap ng batas ang nadakip ng mga operatiba ng PNP Kasurog matapos ang inilunsad na Manhunt Charlie Operation laban sa most wanted persons na may kasong panggagahasa at tangkang pagpatay.
Ayon sa ulat na ipinarating kay PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo, unang nadakip ang pangwalo sa provincial most wanted person (PMWP) ng Sorsogon na nahaharap sa apat na kasong panggagahasa na kinilalang si Mario Golim y Jobelo alyas “Boknoy,” 49, magsasaka at residente ng Purok 4, Brgy. San Vicente, Bulan, Sorsogon.
Sinundan ito ng pagkakaaresto sa pangsiyam na municipal most wanted person sa Tigaon Municipal Police Station, na may kasong tangkang pagpatay na kinilalang si Salvador Cano y Pipino alyas “Badong,” 52, ng Z-4, Brgy. Gingaroy, Tigaon, Camarines Sur.
Winakasan naman ng Bicol PNP ang 19 na taong pagtatago sa batas ng rank 3 most municipal wanted person ng Juban Municipal Police Station na kinilalang si Danilo Castillo y Noleal, 49, barangay tanod, residente ng Brgy. Calateo, Juban, Sorsogon dahil sa kasong 2 counts ng rape.
Samantala, isang wanted din sa panggagahasa na kinilalang si Efren Fulgar Ballester alyas “Epi,” 34, ang dinampot sa kanyang bahay sa P-4, Brgy. 50, Padang, Legazpi City.
Sa Caloocan City naman natimbog ang rank no. 4 MMWP ng Juban MPS sa kasong paglabag sa RA 7610 o “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act,” na kinilalang si Norman Derit y Flores, 32-anyos.
Hindi rin nakapalag ang rank no.2 MMWP ng Juban MPS na nagtago ng walong taon, nang damputin ng mga operatiba ng Sorsogon PPO dahil sa kasong rape, sa Brgy. Antonio, Biñan, Laguna, na kinilalang si Guiller Capunpon y Alfonso, 37-anyos.
Kalaboso rin ang rank no.5 MMWP ng Buhi MPS dahil sa paglabag sa probisyon ng RA 7610 o “Special Protection of Children against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act,” na si Elesedro Vesera y Bello, 48, sa Brgy. Macaangay, Buhi, Camarines Sur.
“Makakaasa kayo na ang PNP Bicol ay patuloy na maghahandog ng isang de kalibreng serbisyo na tiyak na nakikita, napapahalagahan at nararamdaman ng mga Bicolano. Bilang inyong mga kakampi, kami po ay kaisa ninyo sa pagbuo ng pamayanang malayo sa kriminalidad at
panganib,” ayon kay P/BGen. Estomo. (JESSE KABEL)
227 