TIWALA si Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group Director, Lt. General Leo Francisco na pormal na nilang maihahain sa piskalya ngayong linggo ang kaso laban sa pitong akusado sa pagpatay sa magkasintahang Kapamapangan beauty queen na si Geneva Lopez at sa Israeli fiancé nitong si Yitzhak Cohen.
Ito ay oras na matapos nila ang karagdagang imbestigasyon at case conference sa kanilang counterpart sa National Bureau of Investigation, ani Lt. Gen. Francisco.
Iniharap kahapon nina DILG Secretary Benhur Abalos at PNP chief Police General Rommel Francisco Marbil ang dalawang dating pulis na kabilang sa sinasabing pitong suspek sa twin slay case sa Tarlac.
Kinilala ang mga ito na sina Michael Angelo Guiang at Rommel Abuza, sinasabing kapwa bumaril sa magkasintahan.
Sa ibinahaging impormasyon ni Lt. Gen. Francisco kahapon, si Guiang ang nagsilbing middleman nina Lopez at Cohen para sa planong bilhin na 20.5 ektaryang agricultural land ng magkasintahan kung saan si Abuza umano ang tumayong buyer.
Nabatid na isinanla ni Guiang ang lupa sa mga biktima at gusto na ni Lopez na ilitin ang nakasanlang lupain subalit ayaw ng dating pulis na ibigay kaya hinihinalang ito ang dahilan kaya pinagplanuhan ang magkasintahan.
Nabatid na naaresto sa hiwalay na operasyon ang dalawang AWOL na pulis na may kaugnayan sa paglabag sa Firearms Regulation Law at Possession of an Explosives sa ilalim ng Republic Act No. 9516.
Sina Guiang at Abuza ay nakatalaga sa Angeles City Police sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic at naalis sa serbisyo dahil sa pag-AWOL.
Unang anggulo na tinitingnan ng mga imbestigador ay robbery bilang pangunahing motibo sa pagpatay sa dalawa.
Ayon sa mga awtoridad, posible umanong may dalang pera ang magkasintahan kaya’t dito aniya nakatutok ang isinasagawang imbestigasyon sa krimen.
Matatandaan namang inihayag ni NBI Director Jaime Santiago na kanilang tinitingnan ang motibo na may kaugnay sa away sa lupa.
Ang limang suspek sa kaso ay nasa kustodiya na ng pulisya habang ang dalawa naman ay nananatiling at-large.
Ayon pa kay Gen. Marbil, kumpiyansa ang mga imbestigador na mayroong sapat na ebidensya laban sa mga indibidwal na sangkot sa krimen matapos na aminin ng isa sa mga suspek na kasama ito sa naglibing sa mga labi ng magkasintahan.
Una namang sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na hindi titigil ang mga awtoridad hangga’t hindi napapanagot ang lahat ng mga responsable sa naturang karumal-dumal na krimen. (JESSE KABEL RUIZ)
