PITONG kalalakihan ang nadakip sa ilegal na sugal, isa sa mga ito ay nakumpiskahan ng baril, sa ikinasang “Oplan Galugad” ng mga operatiba ng District Special Operation Unit (DSOU) ng Manila Police District kaugnay sa ipinatutupad na Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) sa Sta. Cruz, Manila nitong Sabado ng umaga,
Isa sa mga suspek na naaktuhan habang nagsusugal ng cara y cruz, ang nakumpiskahan ng .38 kalibreng baril na kinilalang si Enrique Ilanan, 46-anyos, electrician, at residente ng Sta. Cruz, Manila.
Bukod sa kasong paglabag sa Presidential Degree 1602 illegal (gambling) na inamiyendahan sa Republic Act 9287, dahil sa pagsusugal ng cara y cruz, nahaharap din si Ilanan sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Kabilang sa mga nadakip sa pagsusugal ay kinilalang sina alyas “Edgardo”, 53, vendor; alyas “Matronillo”, 56, driver; alyas “Lau”, 37, vendor; alyas “Andrew”, 24, jobless; alyas “John Peter”, 24, hair dresser, at alyas “Allan”, 45, helper, pawang nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602.
Base sa ulat na isinumite ni Police Major Rommel Reyes Purisima, hepe ng DSOU, kay MPD Director, Police Brigadier General Andre
Perez Dizon, bandang 6:00 ng umaga nang damputin ang mga nagsusugal sa Aragon Street sakop ng Barangay 343, Zone 34 sa Sta. Cruz, Manila. (RENE CRISOSTOMO)
