PITO ang naitalang namatay sa Caloocan City habang dalawa naman sa Malabon City noong Agosto 9 habang umabot na sa 3,135 ang active COVID cases sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area.
Mula 1,144 noong Agosto 7 ay umakyat na sa 1,151 ang COVID death toll sa Caloocan City, habang 679 ang active cases sa lungsod matapos na 100 bagong kaso ang naitala.
Pumalo na sa 40,739 ang tinamaan ng COVID sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 38,909 na ang gumaling.
Umakyat naman sa 487 ang COVID death toll sa Malabon matapos na dalawang pasyente ang binawian ng buhay. Ayon sa City Health Department, 69 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 14,887 na ang positive cases sa Malabon, 705 dito ang active cases.
Habang 69 pasyente naman ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at sa kabuuan ay nasa 13,695 ang recovered patients ng siyudad.
Nagkaroon ng pagbabago sa datos ng mga gumaling sa Barangay Panghulo dahil muling nagkaroon ng COVID-19 ang tatlo sa mga ito. Mula 518 ay magiging 515 na lamang ang mga gumaling sa Barangay Panghulo.
Samantala, walang iniulat na namatay ang Navotas City Health Office hanggang bandang 11:59 ng hapon noong Agosto 8 ngunit lumobo na sa 909 ang active cases sa fishing capital matapos na 168 ang nahawaan at 14 lamang ang gumaling. Ayon pa sa City Health Office, 299% ang itinaas ng mga kaso mula Hulyo 25 hanggang Agosto 7 sa Navotas.
Pumalo na sa 12,290 ang nasapul ng pandemya sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 10,988 na ang gumaling at mapalad na hindi nadagdagan ang 393 namatay.
Ayon naman sa pinakahuling update ng Valenzuela City Health Office-City Epidemiology and Surveillance Unit, hanggang alas-9 :00 ng umaga noong Agosto 9 ay 842 ang active COVID cases sa lungsod. (ALAIN AJERO)
162 