TINIYAK ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na wala ni-isang taga Metro Manila ang maglalakad patungo at mula sa kani-kanilang pinagtatrabahuhan.
Katunayan, palalawakin pa umano nila ang kanilang Oplan-Libreng Sakay sa gitna ng pagpapairal ng Enhanced Community Quarantine sa buong Kalakhang Maynila.
Sa isang pahayag ng Joint Task Force-NCR, magdaragdag umano sila ng military trucks sa ilang ruta, kabilang ang 14-kilometer SM Taytay-Ortigas Center route.
Layunin anilang umagapay sa operasyon ng apat na bus mula sa RRCG Bus Inc. na naghahatid-sundo sa hindi bababa 900 Authorized Persons Outside Residence o APOR sa mga ruta ng SM Fairview-Quezon Ave via Commonwealth (vice versa); Gil Puyat LRT1-Quezon Ave via Taft Ave. at España at SM Masinag-Cubao MRT via Marcos Highway (vice versa).
Magkatuwang din ang PNP at AFP sa mga quarantine control points at isolation facilities.
Hangad anilang mapaginhawa ang paglalakbay ng mga APORs sa gitna ng limitadong public transport operation bunsod ng ipinatutupad na ECQ sa National Capital Region at mga karatig lalawigan.
Ayon kay PNP Director-General Guillermo Lorenzo Eleazar — “This is the PNP’s way of reaching out to citizens by providing mobility and other extended services to authorized persons (APOR) so that they could attend to their work with convenience even while the ECQ is in effect.”
Nagsisimula ang libreng sakay sa 10 ruta sa Metro Manila at karatig lalawigan mula 5:00AM hanggang 9:00 AM at muling babalik sa ganap na 5:00 PM hanggang 9:00 PM.
Kapwa tiniyak ng AFP at PNP na mapapangalagaan ang pagpapairal ng health and safety protocols sa kanilang free transportation program. (JESSE KABEL)
135 