SIYAM sa 15 rehiyon sa Pilipinas ay mayroon nang naitalang Delta variant na sinasabing mas delikado at madaling maihawa kumpara sa original na COVID-19 na nagmula sa Wuhan, China
Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) sa House Committee on Health na nagsagawa ng pagdinig hinggil sa kalagayan ng bansa sa pandemya na pangunahing problema loob ng mahigit isang taon.
Sa presentasyon ni Dr. Alethea de Guzman, base sa pinakahuling Philippine Genome Center Biosurveillance Report, umaabot na sa 216 ang naitalang kaso ng Delta variant kung saan 165 ay itinuturing na local cases dahil walang travel history ang mga biktima.
Sa nasabing bilang, 102 umano ang aktibong kaso kasama na ang 88 na bagong kaso subalit hindi nito tinukoy kung saan-saang lugar galing ang mga biktima.
Tanging sinabi lamang ni De Guzman na nagtala ng Delta variant cases sa mga Region 1, 3, 6, 7, 8, 10, 11, 4A, at National Capital Region (NCR).
21M doses naiturok na
Samantala, sinabi naman ni vaccine czar Carlito Galvez sa nasabing komite na mahigit 21 million doses na ang naibakuna sa mga Filipino hanggang Agosto 3, 2021.
“We would like to present to Congress the good news that the Philippines has already administered 21,883,781 doses of various vaccines, 12,058,315 have taken the first dose while 9,825,466 Filipinos are now fully vaccinated,” Galvez.
Dahil dito, umaabot na aniya sa 13.87% ang fully vaccinated sa Pilipinas subalit aminado ito na malayo pa sa target na 70% upang makamit ng bansa ang herd immunity sa COVID-19.
Gayunpaman, ipinagmalaki ni Galvez na hindi bumababa sa 529,911 doses ang naibabakuna araw-araw mula Hulyo 28 at sa katunayan aniya, 673,652 ang naiturok ng bakuna noong Agosto 3.
“Many people and even our detractors said that it is very impossible for us to have 500,000. Now we are breaching more than 600,000 and nearing 700,000 mark,” dagdag pa ng opisyal. (BERNARD TAGUINOD)
150 