LAGUNA – Patay ang isang 29-anyos na babae habang sugatan ang anak nito at anim na iba pa sa karambola ng apat na motorsiklo at isang bisikleta sa Barangay Malusak sa Sta. Rosa City sa lalawigang ito, noong Linggo ng madaling araw.
Kinilala ang namatay na si Angel Ann Cardiente, habang kabilang sa mga sugatan ang 10 buwan gulang na sanggol nito.
Ayon sa report ng Sta. Rosa City police, magkakasunod na tumatakbo ang motorsiklo na sinasakyan ng biktima na minamaneho ng live-in partner nitong si John Rick Periodico, 22, at tatlo pang motorsiklo na minamaneho nina Rovie Almira, 20; Jello Almodevar, 22, at Ron Abel Gabriel, 20, dakong 12:30 ng madaling araw.
Ayon sa CCTV footage, nabangga ng motorsiklong sinasakyan ng mag-anak ang motorsiklo na minamaneho ni Amira, nagresulta sa pagtumba ng mga ito at pagtilapon sa kalsada ng mag-ina.
Nasagasaan naman ang mga ito ng motorsiklo ni Almodevar. Nasalpok din ni Almodevar at ng motorsiklo ni Gabriel ang kasalubong na biseklita na sakay ang dalawang menor de edad na umiwas sa dalawang naunang natumbang motorsiklo.
Isinugod sa ospital ang mga sugatan ngunit idineklarang dead on arrival si Cardiente.
(NILOU DEL CARMEN)
279