BISTADOR ni RUDY SIM
TILA planado ang sindikato nitong si alias “Haidee” kasabwat ang ilang opisyales at tauhan ng Bureau of Immigration kaugnay sa pag-blacklist sa 13 kompanya at usap-usapan ngayon na maaaring ito ang dahilan ng kanyang biyahe noong nakaraang linggo sa Vietnam kasama ang ilang piling liaison officers ng iba’t ibang travel agencies na nagbayad umano ng tig-P60K para sa biyahe at sponsored naman umano nitong si Haidee ang gastos ng ilang empleyado ng BI na kasama sa biyahe?
Ayon sa nakalap nating impormasyon, masaya umano sa kanilang pagbalik mula sa kanilang biyahe itong sina Haidee kasama ang ibang Indian nationals na sina alias “Sukhpal” at “Happy” dahil mukhang maganda na naman ang kanilang target na kikitain mula sa foreign nationals na kasama sa mga na-blacklist na kompanya na kinabibilangan umano ng mga sumusunod na nasa memo na inilabas ng ahensya, ang Brand Elevation Consultancy, Jawandha Lending, Ejad Marketing Corp., Optimind Consultancy, KGP Strat Consultancy, Futurelead Business, Elevate Wisdom, Innovation International Travel, Mcintel Management, Digital Dive, Lucky Piyao Travel, Quibble International Trading at S-W Trading Corp na minsan nang ginamit umano ni Haidee bilang isang dummy.
Balitang-balita sa BI ang pakikipag-usap umano ng grupo ni Haidee na kahit kalalabas lamang ng blacklist order laban sa 13 companies na nabigyan ng 9g working visa ang kanilang mga kliyenteng Chinese, Vietnamese, Bangladesh, Indian at iba pang nationality, na matapos bigyan ng visa ay binawi dahil hindi raw tunay na trabahador at ginamit lamang ang mga kompanya upang makakuha ng visa. Pero bakit hindi muna ito inalam bago inaprubahan ang kanilang visa at ngayong nabigyan na ay naging Laban o Bawi?
Mula sa halagang P300K hanggang kalahating milyong piso umano ang alok ng mga pribadong indibidwal sa blacklisted nationals upang bawiin ang kanilang blacklist order at hindi na ipatapon palabas ng bansa. Alam kaya ito ng mga opisyales ng BI, partikular sa Legal Division at sino kaya ang kasabwat nilang abogado rito?
Kung nauso ang palit-ulo sa mga tiwaling tauhan ng pulisya ay mayroon din pala sa BI? Kung bakit ay isa raw ito sa ilang kondisyon, bukod sa malaking halaga ng kotong sa mga dayuhan ay dapat daw na inguso ng foreign nationals kung sino ang nagproseso ng kanilang papeles? Para ano kaya, upang kotongan muli ang mga kalaban nila sa negosyo na travel agencies?
Dapat na kayang makialam ang bagong pamunuan ni dating Senator Francis Tolentino upang mag-imbestiga at ang mga senador dahil hindi lamang flood control at impeachment ang national issues sa bansa kundi maging ang mga tiwaling tauhan ng ilang government agencies.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
141 