TINIYAK ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na wala silang namomonitor na banta sa pambansang seguridad kaugnay ng kilos-protesta ng Iglesia ni Cristo (INC), kahit inilagay sa Red Alert Status ang ilang yunit ng militar.
Ayon kay Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr., normal at bahagi lamang ng routine security measures ang pagdedeklara ng red alert.
“Routine lang naman ‘yan. There is ongoing coordination with the PNP, at ang AFP ay support lamang sa PNP upang mapangalagaan ang katahimikan,” ani Teodoro.
Nauna ring sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi siya nababahala sa isinagawang rally ng INC.
Ayon sa Malacañang, hindi maimpluwensiyahan ang Pangulo ng interes ng anomang indibidwal o grupo.
Ipinaliwanag ng AFP na ang Red Alert Status ay para lamang matiyak ang kahandaan ng mga tauhan at kagamitan nito sakaling kailanganin ng suporta ng Philippine National Police (PNP).
Patuloy rin ang koordinasyon ng AFP sa PNP at iba pang ahensya upang mapanatili ang seguridad at kaayusan.
Samantala, nagpatupad ang PNP ng bagong traffic at security strategy para sa ikalawang araw ng rally upang maiwasan ang matinding trapik na naranasan noong unang araw ng kilos-protesta.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na ang lahat ng concerned units na ipatupad ang traffic management at security plans kasabay ng pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at mga organizer ng rally.
Nanawagan din ang PNP sa mga organizer at kalahok na sundin ang mga kondisyon ng permit na inisyu ng Quezon City government, kabilang ang pananatili sa itinakdang lugar at oras ng pagtitipon, pagsunod sa Batas Pambansa Blg. 880 o Public Assembly Act of 1985, pag-iwas sa pagsasara ng mga kalsada, at pagpapanatili ng kaayusan.
Tiniyak ng PNP na ipagpapatuloy nito ang maximum tolerance habang iginagalang ang karapatan ng mga mamamayan sa mapayapang pagtitipon.
(JESSE RUIZ)
60 