APAT katao ang patay at 11 ang sugatan matapos araruhin ng isang wing van truck ang mga nakikipaglamay sa burol ng patay, at ang anim na nakaparadang sasakyan sa gilid ng Maharlika Highway sa Sitio Tumpukan, Barangay Ibabang Palsabangon, Pagbilao, Quezon, noong Lunes ng gabi.
Batay sa imbestigasyon ng Pagbilao Police, northbound ang takbo ng truck nang makatulog umano ang 24-anyos na helper na siyang pinagmaneho ng sasakyan.
Ipinasa umano ng orihinal na driver ang manibela sa helper upang makapagpahinga ito,
Lumihis ang truck sa kabilang linya at dumiretso sa burol sa tabi ng kalsada. Pagkaraan ay sunod-sunod na nabangga ang isang jeep, tatlong motorsiklo, at dalawang tricycle, pati ang mga upuan, mesa, at iba pang gamit sa burol bago tumama sa isang puno.
Dalawa sa mga biktima ang nasawi sa mismong lugar ng aksidente matapos maipit sa ilalim ng truck.
Dalawa pa ang idineklarang dead on arrival sa magkahiwalay na ospital dahil sa matinding pinsala.
Siyam pang dumalo sa lamay, kabilang ang dalawang menor de edad, ang dumanas ng minor injuries na agad dinala sa pagamutan.
Nagkaroon din ng minor injuries ang helper na nagmaneho at ang orihinal na driver ng truck. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
Samantala, pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan ang paghihigpit sa mga burol sa gilid ng kalsada at pagtatayo ng pansamantalang istruktura malapit sa national highway, gayundin ang posibleng pagrepaso sa speed limit sa bayan upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya.
(NILOU DEL CARMEN)
68 