(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
ITO ang usap-usapan ngayon matapos mahuli ang dalawang Indonesian nationals na suspected smugglers na may dalang 600 master case o kahon ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P30 million.
Ang mga suspect na sina Fadli Machmud at Pajar Antarani ay naaresto ng mga operatiba ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard habang naglalayag sa Isla ng Sarangani province.
Nangyari ito noong October 17 ngunit hindi lumabas sa media.
Naging kahina-hinala naman ang isinampang kaso laban sa kanila dahil sa halip na ‘economic sabotage,’ kinasuhan lamang sila ng ‘illegal entry’ at ‘undocumented alien.’ Kitang-kita ito sa kumalat nilang mugshot sa social media.
Wala ring malinaw na detalye kung nasaan na ang mga nasamsam na imported na sigarilyo mula sa bansang Indonesia na P30 milyon umano ang halaga.
Bukod sa mugshots, kitang-kita rin ang larawan ng mga kahun-kahong sigarilyo na narekober ng mga awtoridad.
Marami ang naghihinala kung tunay bang nai-turn over sa Bureau of Immigration sa Mindanao ang mga arestadong suspect, bagay na dapat paimbestigahan ni DOJ Secretary Boying Remulla.
Maging sa bansang Indonesia ay pinag-uusapan na rin ang pagkakaaresto sa dalawang suspect dahil isang nagngangalang Cie Una na umano’y ‘financier’ ng dalawa ang nagyayabang sa kanilang bansa sa pagsasabing ang mga awtoridad sa Pilipinas ay madaling bayaran para maayos ang isinampang kaso sa suspects.
Ngunit, sa post ng MikeMediaIndonesia.com, isang website sa Indonesia, itinanggi ni Cie Una ang sinasabing pahayag patungkol sa mga bayarang government authorities sa Pilipinas.
May kumalat ding larawan ni Cie Una, kasama ang ilang awtoridad sa Sarangani province.
Bukod sa ‘panlalait’ sa mga awtoridad sa Pilipinas, ipinagmamalaki rin umano ni Cie Una na marami siyang kaibigang opisyal mula sa Local Government Unit (LGUs) sa Sarangani, South Cotabato at General Santos City.
Bukod kay Cie Una, isang Indonesian national na may alyas Pardillo rin umano ang pasimuno ng smuggling activities sa Mindanao.
Ayon sa impormante, ang pagkakahuli sa P30 million halaga ng smuggled na sigarilyo ay ‘decoy’ lamang upang palusutin naman ang may 2,000 hanggang 2,500 master cases ng imported na yosi.
Kung ang narekober na 600 master cases ng yosi ay nasa P30 million na, tumataginting na P125 million naman ang halaga ng 2,500 na master cases ng sigarilyo ang posible na ring pinalulusot sa bansa.
Kung matatandaan, June 2023 nang maglabasan naman ang ulat na ilang shabu na nasa Pilipinas ngayon ay ‘Made in Indonesia.’
Naipapasok umano ito sa pamamagitan ng mga pantalan sa Mindanao at nakaipit sa mga kahon-kahong smuggled na sigarilyo.
Ilan sa mga brand ng sigarilyo na pinalulusot sa Sarangani, Cotabato at General Santos City ay Guading Baru, Gajah Baru, Surya Baru, Gudang Garam at Gadang Baru.
May mga peke namang branded cigarettes tulad ng Marlboro, Philip Morris at Winston.
Simula nang umupo ang Marcos Jr. administration, naging sentro na ng smuggling ng sigarilyo ang tatlong probinsiyang nabanggit na binibigyang basbas umano ng ilang opisyales sa BI, Philippine Navy, Philippine Coast Guard, Customs at LGU officials.
Bukod sa talamak na pagpasok ng droga at smuggled na sigarilyo, pinangangambahang mapasok muli ang Pilipinas ng mga teroristang Jemaah Islamiya na nakabase sa Indonesia.
356