PRESYO NG ASUKAL TUMATAAS DAHIL SA CARTEL

USAPANG KABUHAYAN

Nagtataka ang dalawang opisyal ng Sugar Regulatory Authority (SRA) dahil tumataas ang presyo ng asukal sa mga palengke at supermarket kahit na sapat ang supply ng asukal sa bansa. At base sa kanilang imbestigasyon, nakita nilang hindi naman nagbabago ang presyo ng asukal na ibinebenta ng mga sugar mills sa mga traders na nagre-repack ng mga asukal para sa merkado.

Ayon kay Dino Yulo at Roland Beltran na mga miyembro ng SRA Board, lumagpas na sa P60 na limit kada kilo ang presyo ng asukal sa palengke at mga supermarket sa hindi nila maipaliwanag na dahilan. Hindi naman daw kasi dapat tumaas ang presyo dahil sobra pa nga sa pangangailangan ng Pilipinas pati na ang sugar exports natin sa ibang bansa kaya nagtataka sila kung bakit sumikad ang presyo ng asukal.

Natatakot si Yulo at Beltran na baka raw minamanipula ng mga traders ang presyo ng asukal para raw magkaroon ng dahilan uli ang pamahalaan na tanggalin ang limitasyon sa importasyon ng asukal at i-liberalize ang importasyon gaya ng ginawa kamakailan sa importasyon ng bigas.

Isa pang ipinagtataka nila ay kung bakit daw parang walang ginagawang pagkilos ang Department of Trade and Industry (DTI) para sitahin ang mga traders at pati na ang mga tindera at mga may-ari ng supermarkets para masigurong hindi tumataas ang presyo ng asukal.

Base sa record ng SRA, mayroon pang 1.1 milyong tonelada ng asukal sa mga bodega ng mga sugar mills at ang produksyon ng asukal sa bansa ay inaasahang tumaas sa 2.225 milyong tonelada ngayong 2019 kumpara sa 2.079 milyong tonelada noong 2018.

Ang isang dapat gawin ng ating pamahalaan ay ang atasan ang bagong tayo na Philippine Competition Commission (PCC) na imbestigahan kung may kuntsabahan nga ba nag mga traders at mga may-ari ng malalaking supermarket para pataasin ang presyo ng asukal. Mas gusto kasi talaga ng mga traders na matanggal ang limitasyon sa importasyon ng anumang produkto para mas malaya silang bumili at mag-stock ng kanilang produkto habang mura pa ang presyo sa ibang bansa gaya ng Brazil at Amerika.

Halos 80 porsyento ng mga sugar planters ngayon sa Pilipinas ay mga benepisyaryo ng land reform program ng ating pamahalaan kaya ang laki ng karamihan ng mga sakahan ng tubo ay isa hanggang dalawang ektarya lamang. Mas malaki ang gastos sa trabahador, abono at patubig sa mga maliit na sakahan, hindi gaya ng mga plantasyon sa Brazil at Amerika na ang pinakamaliit ay 50 ektarya na dahil sa laki ng ani ay mas maliit ang gastos kumpara sa tinutubo ng magsasaka.

Bago buksan ang Pilipinas sa mga imported na asukal galing sa mga bansang ito, dapat ay masiguro ng pamahalaan na protektado ang ating mga magsasaka.  (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)

348

Related posts

Leave a Comment