2 OPISYAL NG DILG RAIDING TEAM, 20 PA KINASUHAN

PORMAL nang ipinagharap ng kasong kriminal sa piskalya ng Department of Justice (DOJ) ang umano’y dalawang opisyal ng raiding team ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ilegal na sumalakay sa isang establishment sa Pasay City noong Mayo 31, 2024.

Mahigit 30 complainants ang nagbigay ng affidavits para idiin sa kaso ang mga respondent/suspect na sina P/Major Andres Daquial IV; P/Capt. Atty. Benjamin Jeptha L. Tan, at tinatayang 20 katao na nagpakilalang mga opisyal at miyembro ng Special Project Group at Regional Special Operations Group ng DILG.

Base sa ulat, alas-10:30 ng gabi noong Mayo 31, 2024, pwersahang pinasok ng grupo ni Dacquial na armado ng mga baril, ang establishment na Kunobore kung saan naroon ang tanggapan ng King and Queen Restobar, dahil sa sinasabing anti-trafficking na isinasagawa nito.

Kasong robbery extortion, arbitrary detention at robbery with force upon things ang isinampa laban sa mga suspek, kabilang ang paglabag sa Article 295 at 124 ng Revised Penal Code.

Nakasaad sa reklamo, pinutol ng mga respondent ang internet connection ng opisina saka pinadapa ang lahat ng mga empleyado at customer ng bar.

Tinakot pa umano ang mga ito na huwag papalag kung ayaw nilang makalabit ng raiding team ang gatilyo ng mga baril na nakatutok sa kanila, habang hinalughog at kinulimbat ang kanilang mga kagamitan sa opisina ng bar.

Kabilang sa mga ninakaw umano ng raiding team ang mga bag, cellphones, mamahaling gamit at gadgets ng kanilang mga guest at vault ng opisina na may lamang mahigit P1-milyon.

Tinangay rin umano pati ang mga alak, pagkain at inubos ang lahat ng laman ng Restobar.

Hanggang sa oras na ito wala pang naibabalik ang mga respondent sa kanilang nakulimbat na umabot sa halagang P3-milyon.

Nakasaad din sa complaint affidavit na ilegal ang ginawang raid lalo’t walang tamang proseso na ipinatupad sa pagsalakay. (JULIET PACOT)

371

Related posts

Leave a Comment