BUMAWI ang industriya ng turismo sa paglago ng ekonomiya pagkatapos ng pandemya dahil nakapagtala ito ng 6.21 milyong trabaho para sa mga Pilipino noong 2023, isang exponential na pagtaas na malapit sa 6.3 milyong target na trabaho nito sa turismo para sa 2028 o halos apat na taon sa hinaharap, ayon sa nabanggit sa inaprubahang National Tourism Development Plan (NTDP) 2023-2028.
Ito ay base sa kamakailan na Philippine Tourism Satellite Account (PTSA) ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas noong Martes (Hunyo 18).
Partikular na lumaki ng 6.4 porsiyento ang trabaho sa mga industriyang may kinalaman sa turismo mula 5.84 milyon noong 2022, hanggang 6.21 milyon noong 2023. Ang percentage share ng employment sa tourism industries sa kabuuang trabaho sa bansa noong nakaraang taon, ay nakapagtala ng 12.9 porsiyento.
Nagbigay rin ng pinakamataas na paglago ang turismo bilang isang industriya batay sa ulat na may 8.6 porsiyentong bahagi ng gross domestic product (GDP) ng bansa.
Ang Tourism Direct Gross value Added (TDGVA) na nagkakahalaga ng P2.09 trilyon noong 2023, ang pinakamataas mula nang simulan ng PSA ang pag-compile ng datos noong 2000.
Ang numero ay mas mataas ng 47.9 porsiyento kumpara sa P1.41 trilyon TDGVA noong 2022, nang magtala ito ng 6.4 porsiyentong kontribusyon sa GDP.
Ang TDGVA ay tumutukoy sa kabuuang halaga na idinagdag ng mga industriya ng turismo at iba pang industriya ng ekonomiya na direktang nagsisilbi sa mga bisita.
Sinabi ni DOT Secretary Christina Garcia Frasco, ang paglago sa turismo ay isang patunay sa matinding diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbibigay-prayoridad sa sektor ng turismo at sa pinagsama-samang pagsisikap ng DOT, iba pang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor. Ang ating transformative agenda para sa turismo ay nagtakda ng industriya sa inward trajectory na ang mga benepisyo ay nararamdaman ng milyun-milyong Pilipino.
Samantala, base sa PTSA report, tumaas din ang domestic tourism expenditure ng 72.3 porsiyento mula P1.55 trilyon noong 2022 hanggang P2.67 trilyon noong 2023.
Ang outbound tourism expenditure ay nagtala ng 10 percent growth rate mula P189.29 bilyon noong 2022 hanggang P208.25 bilyon noong 2023.
Ang internal tourism na binubuo ng inbound at domestic tourism expenditure ay lumago ng 75.3 porsiyento mula P1.92 trilyon noong 2022, hanggang P3.36 trilyon noong 2023. (JOCELYN DOMENDEN)
