RAPIDO NI TULFO
HINDI na mahalaga kung inaresto man o sumuko si Pastor Apollo Quiboloy sa mga otoridad na nagbitbit sa kanya sa Metro Manila nitong nakaraang Linggo (Sept. 08, 2024).
Iginiit ng abogado ni Quiboloy na sumuko raw at hindi inaresto ng Special Task Force ng AFP (Armed Forces of the Philippines) ang lider ng KOJC o Kingdom of Jesus Christ, taliwas sa sinabi umano ni SILG Benhur Abalos.
Kahit paano pa siya nakuha, ang mahalaga ay hawak na siya ng mga otoridad.
Pero napansin nating tila may special treatment ang mga otoridad dito kay Pastor.
Balot na balot si Pastor Quiboloy nang iprisenta sa media na hindi na makilala kung totoo bang si Quiboloy ‘yun. Para sa akin na hindi naman kilala si Pastor, mapapaisip ka kung siya ba talaga ‘yung iprinisenta o ibang tao.
Sa mugshots na inilabas ng PNP ay blurred ang mukha nito. Ito raw ay para protektahan ang karapatan ng mga akusado. Ito raw ay ginagawa rin sa ibang akusado ng ibang kaso.
Kahapon lang ay iniutos ng Quezon City Regional Trial Court na ilipat na ang grupo ni Pastor Quiboloy sa Quezon City Jail mula sa PNP Custodial Center.
Dapat ay hindi binibigyan ng special treatment itong si Quiboloy na wanted din sa US dahil sa patong-patong na mga kaso. Sina Quiboloy ay inaakusahan ng paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at qualified human trafficking.
117