STAYCATION SA DECA TONDO HIGPITAN

BISTADOR ni RUDY SIM

ISANG grupo ng ilang mga kalalakihan ang patuloy hanggang sa kasalukuyan, na nambibiktima ng mga inosenteng kababaihan upang ang mga ito ay malulong sa ipinagbabawal na gamot.

Dahil sa maaaring kakulangan ng paghihigpit ng ilang condo owners sa mga condotel lalo’t kapag sa sentro ng Maynila kung saan naroon ang abot kayang presyo ng staycation o panandaliang pamamalagi sa isang condo unit.

Ayon sa ating nakuhang impormasyon, mas pinili umano ng grupo ng kalalakihan na kumuha at magbayad ng isang staycation unit sa Deca Homes kaysa hotel na mas mahigpit para sa isang barkada bonding, kasama ang ilang bilang ng mga kabataan na minsan ay mga menor de edad pa, dahil naging maluwag ang security unit ng Deca Homes.

Gamit ang fake identification card na kahit mukhang minor age ang babae ay nakalulusot umano sa ilang condo owners sa kagustuhang kumita ng pera ngunit hindi iniisip ang maaaring mangyari o gawin sa kanilang condo unit. Wala ba kayong mga anak kaya hinahayaan ninyo ang ganitong gawain kahit alam ninyong maaaring mapahamak ang isang babae sa dami ng bilang ng kalalakihan??

Karamihan sa grupo ng kalalakihang ito na residente rin ng Maynila, ay nakapagtatakang Arabic ang kanilang pangalan sa social media, maaaring ito ay upang itago ang kanilang pagkakakilanlan ngunit ang kawawa rito ay ang mga babaeng biktima na nalulong sa droga at natatakot magsumbong sa kanilang magulang kaugnay sa kanilang sinapit sa kamay ng kalalakihang ito.

Nakapanghihina ng kalooban kung bakit mayroong ganitong mga manyakis na kalalakihan ang nagsasamantala sa murang kaisipan ng mga kabataan na matapos nilang lasingin at painumin ng party drugs o ecstasy, ay kanila nang magagawa ang maitim nilang balak.

Ilang video na ang ating napanood kaugnay sa gawain ng grupo ng kalalakihang ito na ang ilan pa ay anak ng mayayaman at ilan naman ay kumuha lamang ng puhunan sa kanilang panlabas na anyo upang makaakit ng magagandang kababaihan na kanilang inaabuso.

Mula sa sampung kalalakihan ay ginagawang pasahan ang mga babaeng high na sa drugs partikular sa ecstacy, na ayon sa mga eksperto ay mag-iinit ang katawan ng sinomang makaiinom nito kaya’t hindi na makontrol ang kanilang sarili kahit ilang kalalakihan pa ang magsasamantala sa kanilang katawan.

Dapat nang maghigpit sa pagpapapasok ng mga tao ang Deca security unit, maging ang Manila Police, upang madakip ang grupo at kanilang supplier ng drugs na ayon sa ating source, ang isa rito ay may alias na “Xoxo” na nagbebenta ng party drugs sa mga kabataan.

Maging mapagmatyag ang condo owners na mayroong business sa Deca, upang hindi na ulit ito mangyari dahil kawawa ang mga kababaihan na nabibiktima ng “gang rape”, hindi porket nagbabayad ay wala na kayong pakialam. Minsan nang nangyari umano ito nang mag-post sa social media ang isang condo owner na matapos ang oras ng grupo ay may naiwanang drugs sa mismong unit at maging ang ilang gamit ay nasira dahil sa trip ng mga ito dahil sa epekto ng droga.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

109

Related posts

Leave a Comment