RAPIDO NI TULFO
MARAHIL ay nabasa ninyo na ang balita ukol sa isang ahente ng National Bureau of Investigation na nagbitiw sa pwesto kamakailan lamang dahil daw sa pang-aabuso ng isang Vietnamese national, na nahuli ng kanilang opisina dahil sa pagpapatakbo ng isang klinika nang walang lisensya.
Ayon sa balita, kahit pa nagbitiw na sa pwesto ang naturang ahente ng NBI, na isang abogado pa man din, ay kinasuhan pa rin ito ng ahensya. Matapos na mapatunayan na inabuso nga nito ang nahuling suspek.
Pero ang tanong, ano nga bang pang-aabuso ang ginawa ng NBI agent na ito at kahit pa nagbitiw na sa pwesto ay kinasuhan pa rin ng bureau?
Ayon sa impormasyon na nakuha natin mula sa mapagkakatiwalaang sources, ginahasa raw kasi ni ahente ‘yung Vietnamese at gayundin ang isa sa mga kababayan natin na nadakip kasama ng Vietnamese.
Maaaring nakita ninyo na ‘yang NBI agent na ‘yan dahil nag-viral ito nito lang nakaraang buwan dahil nakuhaan ito ng video na nakatitig kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ang hindi lang maintindihan ng mga nakakaalam sa istoryang ito ay bakit daw kinakailangang manggahasa si ahente dahil may itsura naman ito at titulado.
By the way, kasama rin ito sa mga sumundo kay Alice Guo sa Indonesia nang mahuli ito ng mga awtoridad doon.
Dapat namang purihin si NBI Director Jaime Santiago sa hakbang nito na kasuhan ang naturang ahente kahit pa nagbitiw na ito sa ahensiya.
Dahil ayon sa ating source ay pinagbitiw na lang daw itong si ahente bago pa man pumutok ang kababuyang ginawa nito, na kalat na sa hanay ng media bago pa man ito pumutok sa balita.
