ACT HUMIHIRIT NG DAGDAG PONDO SA EDUKASYON BAGO ANG PAGBUBUKAS NG KLASE

NANAWAGAN ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa pamahalaan na dagdagan ang pondo para sa edukasyon kasabay ng nalalapit na pagbubukas ng klase sa Hunyo 8.

Ito ang pangunahing mensahe sa isinagawang Family Day for Education sa University of the Philippines Diliman na dinaluhan ng mga guro, kawani sa edukasyon, magulang, estudyante, at education advocates.

Ayon kay ACT Chairperson Ruby Bernardo, muling haharap ang pampublikong sistema ng edukasyon sa matitinding hamon dahil sa kakulangan ng mga silid-aralan, guro, at education support personnel.

“Tuwing pagbubukas ng klase, lumilitaw ang parehong hindi nalulutas na krisis: siksikang mga silid-aralan, kakulangan ng mga guro, malaking kakulangan sa support personnel at learning materials, at sahod na nananatiling malayo sa disenteng antas ng pamumuhay,” ani Bernardo.

Batay sa datos ng ACT, nasa 144,000 na ang kakulangan sa mga silid-aralan sa buong bansa at maaari pa itong umabot sa 219,000 pagsapit ng 2028 kung hindi mapapabilis ang konstruksyon ng mga bagong paaralan.

Tinukoy rin ng grupo ang kakulangan ng tinatayang 150,000 guro na nagiging dahilan ng mas malalaking klase, paghawak ng maraming asignatura, at mas mabigat na trabaho para sa mga kasalukuyang guro.

Bukod dito, iginiit ng ACT na kulang din ang education support personnel sa humigit-kumulang 48,000 pampublikong paaralan sa bansa.

Ayon sa grupo, kailangan ng hindi bababa sa 300,000 karagdagang support personnel kabilang ang Guidance Counselors, Guidance Associates, Registrars, School Nurses, Librarians, Utility Staff, at Security Guards.

“Hindi maaaring umasa lamang sa mga guro ang sistema ng edukasyon,” diin ni Bernardo.

Nagbabala ang ACT na kung walang agarang pamumuhunan sa imprastraktura at mga tauhan, mananatiling problema ang pagsisiksikan sa mga silid-aralan, pagkapagod ng mga guro, at pagbaba ng kalidad ng edukasyon.

Dahil dito, muling nanawagan ang grupo na itaas ang paggasta ng pamahalaan sa edukasyon sa hindi bababa sa anim na porsiyento ng gross domestic product (GDP) alinsunod sa pandaigdigang pamantayan.

Hinihirit din ng ACT ang P50,000 panimulang sahod para sa mga guro, P36,000 minimum salary para sa Salary Grade 1 employees, at P1,200 national living wage para sa mga manggagawa.

“Dapat magsilbing pagkakataon ang pagbubukas ng klase upang harapin ang lumalalim na krisis sa edukasyon at mangako ng tunay na repormang istruktural,” pagtatapos ni Bernardo.

(DANNY QUERUBIN)

90

Related posts

Leave a Comment