CLICKBAIT ni JO BARLIZO
PASUKAN na. Bitbit na ng mga mag-aaral ang kanilang bag, na laman ang mga gamit na gagabay sa kanila sa pagtimo sa isipan ng mga aral at karunungan.
Malinaw na bag ang karga ng mga estudyante. Hindi maleta ha o malita, ayon sa mga DDS.
Kasabay ng pasukan ang ikinababahalang idudulot ng tag-ulan kaya inilabas ng DepEd ang apat na lebel ng pagtugon ng mga paaralan sakaling magsuspinde ng mga klase at trabaho depende sa antas ng panganib na dulot ng mga bagyo, malalakas na pag-ulan, pagbaha, lindol, pagguho ng lupa, matinding init, polusyon sa hangin, volcanic fog, pagkawala ng kuryente, at iba pang emergency situations. Kabilang din ang pagsuspinde ng lahat ng in-person classes, ALS, at trabaho sa mga paaralan kapag nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 o mas mataas, sa ilalim ng Orange at Red Rainfall Warnings na may banta ng pagbaha.
Sa sitwasyon na mas mababa ang antas ng panganib ay maaaring magpatupad ng suspensyon ang Local Chief Executive (LCE) o iba pang kinauukulang ahensya.
Maganda ang layunin ng bagong guidelines na mas higit na magbibigay ng proteksyon sa mga mag-aaral, guro, at kawani habang nagpapatuloy ng pagkatuto sa panahon ng mga kalamidad at emergency.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, kapag may kalamidad o krisis, ang unang tanong ay kung ligtas ang mga bata at guro, at kaya nilang matuto at magturo. Hindi pwedeng pareho ang hinihingi natin sa kanila kapag normal ang sitwasyon at kapag may pinagdadaanan silang panganib, takot, o pagkawala.
Ngunit, ito ang para sa proteksyon sa sandaling may mga banta, panganib dulot ng mga kalamidad.
Mainam kung kasama sa ginawang paghahanda ang para sa mga eskwelahan, partikular ang binabaha, marupok o mahina sa lindol.
Ang integridad at kakayahan ng mga eskuwelahan ay dapat na sinisiguro.
Sabagay, pasado na ‘to para malinaw at hindi malito sa posibilidad ng suspensyon. Kesa naman kung kailan lumusong na sa baha ang mga bata ay saka malalaman na suspendido ang klase.
At sana rin, matabunan ng pasukan kahit ilang sandali ng pahinga, ang umiikot na isyu ng maleta na ginagawa ng ilan na pang-aliw sa gitna ng krisis sa buhay at gumegewang-gewang na pulitika.
Nakapapagod na ang mga palabas, na pakiwari ng ilan ay panloloko na sa mga tao.
Kaya dapat nang maisabatas ang Freedom of Information na malaking tugon sa pamamahala ng pamahalaan dahil magbibigay ito ng mas malawak na transparency sa bansang talamak ang katiwalian at mailap ang pananagutan.
Nasa pinto na ang batas ng FOI matapos aprubahan ng House of Representatives ang panukala sa huling pagdinig kamakailan, habang ipinasa ng Senado ang sarili nitong bersyon nitong nakaraang buwan.
Ang panukala ay prayoridad ng administrasyong Marcos Jr., ngunit sakaling maisabatas ay kailangang siguraduhin ang malinaw at seryosong implementasyon nang matiyak na maisusulong ang tunay na laban kontra katiwalian at iba pang kalakaran na nagpapahina sa pamamahala sa pamahalaan.
Karapatan ng publiko na magkaroon ng gobyernong tapat at walang itinatago.
Ayon nga kay Sen. Kiko Pangilinan, ‘dasurv’ ng mamamayan ang isang pamahalaang bukas, transparent, at may pananagutan. Malaking hakbang ang FOI laban sa korupsyon, pagpapalakas ng tiwala ng publiko sa gobyerno, at mas aktibong pakikilahok ng mamamayan sa pamamahala.
Tama, mas bukas na pamahalaan para sa mas mataas na tiwala, higit na malinaw at tapat na serbisyo publiko.
Ang pagiging bukas at katapatan ay magpapatibay ng tiwala ng publiko.
91 