Humabol din sa huling araw ng COC filing si incumbent Lucena City Mayor Mark Victor Alcala at tatay nitong incumbent Vice Mayor Roderick Alcala bilang mga reelectionist sa kanilang mga posisyon.
Kasamang nag-file ng mag-amang Alcala ang buong line-up ng kanilang Sangguniang Bayan sa ilalim ng partidong STAN, ang lokal political party ni incumbent Quezon Governor Helen Tan.
Sa pagpa-file ng batang Alcala, natapos ang mga espekulasyon na tatakbo ito bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng lalawigan kalaban si Incumbent Congressman David Suarez na una nang naghain ng kanyang kandidatura.
Hindi rin nagpalit ng puwesto ang mag-ama na unang inaasahan ng mga taga Lucena City.
Isang independent candidate ang makakalaban ni Mayor Alcala.
Samantala, sinabi ni Suarez na nagkaroon ng unification ang mga magkakalabang major political party sa Quezon kaya namumuro ang no fight scenario sa mga pangunahing puwesto sa lalawigan.
Nag-file na rin bilang board member ang isang anak ni Governor Helen Tan na si Doc. Kim Tan na una ring napabalita na siyang makakalaban ni Suarez sa distrito.
Noong Eleksyon 2022, naging mahigpit na magkalaban ang pamilya Suarez at ang magkaalyansang Tan at Alcala sa iba’t ibang pwesto sa Quezon. (NILOU DEL CARMEN)
