AKAPan sa PULITIKA at KORAPSYON

KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari

MATAPOS mabuyangyang ang detalye ng P6.352 trillion badyet ng gobyerno para sa taong 2025, kasunod ding naglabasan ang samu’t saring mga isyu sa iba’t ibang ahensya at tanggapan ng pamahalaan kaugnay sa kanilang pondo.

Mula sa P822.2 billion badyet nitong 2024, lumobo ang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa P1.1 trillion para sa susunod na taon sa kabila ng patuloy na pagbaha ng mga alegasyon ng korapsyon sa nasabing departamento.

Tampok na batikos sa DPWH ang naganap na malawakang pagbaha sa ibang parte ng bansa resulta ng sunod-sunod na mga bagyo sa kabila ng multi-bilyong pisong pondo sa flood control projects na ipinatutupad ng ahensya.

Ang Department of Education (DepEd) ay binawasan naman ng P10 billion ang badyet dahil sa palpak na pamimigay ng laptop sa mga titser sa termino ng dating kalihim. Inatasan ni PBBM si DepEd Secretary Sonny Angara na makipagkoordinasyon sa Department of Budget of Management para maibalik ang inalis na bahagi ng pondo.

Wala namang ibinigay na subsidiyang pondo sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa kasunod na taon na sa paliwanag ni Senate President Francis Escudero ay dahil sa “kapalpakan” ng nasabing ahensya.

Dinepensahan ni PBBM ang zero subsidy ng Philhealth at ipinaliwanag na meron pang P500 billion reserbadong pondo ang ahensya.

Sana, hindi maapektuhan ang mga maralita, senior citizens at PWDs na ayon sa batas ay obligasyon din ng PhilHealth ang bahagi ng gastos sa kanilang pagkakasakit kahit hindi sila nagbibigay ng buwanang ambag.

Kasabay nito ay nabulgar din na ang PhilHealth ay naglaan ng P137.7 milyong badyet sa selebrasyon ng kanilang anibersaryo sa kasunod na taon.

Dahil ba may sobrang pondo ang PhilHealth ay puwede na silang gumastos ng malaki sa taunang selebrasyon? O kasama na sa kompyutasyon ang dedekwatin ng mga korap sa Philhealth.

Pilipinas… kaya mo pa?

##########

Naging mainit din na isyu ang pondo ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Naging popular ang AKAP nitong nakaraang buwan nang ipamahagi ito sa apat na malalaking shopping malls sa Metro Manila. Nanguna si House Speaker Martin Romualdez kasama ang ilang mga kongresista sa distribusyon ng P5,000 kada benepisaryo na kinabibilangan din ng mga empleyado ng malls.

Noon pa man ay tinutuligsa na ni Senator Imee Marcos ang pondo para sa AKAP na aniya ay isiningit lang ng Kongreso sa badyet ng pamahalaan noong 2024. Bagama’t niliwanag ng senadora na hindi siya tutol sa programa. Ang binabatikos lang niya ay ang paggamit nito sa layuning pangpolitika.

Sa kabila ng kontrobersya, muling isiningit ng Kongreso ang pondo para sa AKAP sa 2025 budget at nilagyan ito ng alokasyong P39.8 billion. Tinagpas naman ng Senado ang nasabing pondo na kasama sa panukalang badyet ng DSWD.

Nang isalang na ang P6.325 trillion badyet sa pagsusuri ng Bicameral Conference Committee na binubuo ng ilang kinatawan ng Kongreso at Senado, himalang nabuhay ang pondo para sa AKAP sa pinal na bersyon ng 2025 badyet.

Ang orihinal na panukalang P39.8 billion ay ibinaba sa P26 billion. Ngunit sa pondong ito ay P21 billion ang nasa disposisyon ng Kongreso at ang P5 billion ay nasa kamay naman ng Senado.

Sa kasaysayan ng AKAP bago ito lumusot sa 2025 budget na nakatakdang pirmahan ni PBBM sa susunod na mga araw, hindi maitatago ang naging bangayan ng Kongreso at Senado at ang naging “pagkakasundo at pagbibigayan” nila sa Bicameral Conference. Everybody happy na.

Ngayon, ano naman itong pahayag ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na sa gagawing pamimigay ng AKAP sa mga benepisaryo ay walang makaka-epal na mga politiko? Na hindi na raw kailangan ang “political backers” upang makasama sa listahan ang sinomang tatanggap ng ayuda.

WOW! Kapuri-puri ito…KUNG magagawa nga ng DSWD.

Hindi siguro nalalaman ni Secretary Rex ang nagaganap sa mga ayudang programa ng DSWD na bago mapasama sa listahan ang benepisaryo, kadalasan ay may basbas ng kongresista o sinomang maimpluwensyang politiko sa lugar.

Ito pa kayang pondo ng AKAP ang hindi dawdawan ng kongresista at senador gayung halos magpatayan na nga sila bago ito mailusot sa 2025 badyet? Naghalikan lang sila sa puwit at nagpartehan sa pondo kaya tumahimik.

Anong posibleng dahilan? Makapapamulitika sila. Hindi sila papayag na wala silang presensya sa distribusyon ng ayuda para magmukha silang mabait at matulungin sa mata ng mga botante na ipinalista nila. At…magbabardagulan ba ang mga kongresista at senador para makasama ang pondo sa badyet kung walang tinatarget na dekwatan dito? Tell that to the marines!

##########

Sa huling ulat ay humihiling si Senadora Marcos sa kanyang kapatid na Presidente na suriing mabuti ang mga kontrobersyal na badyet ng iba’t ibang ahensya bago ito lagdaan.

Sino kaya ang susundin ni PBBM? Ang kanyang Manang Imee o ang kanyang mga alipores sa Senado at Kongreso na bumalangkas ng 2025 badyet.

Abangan!

14

Related posts

Leave a Comment