PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
ITO ang katotohanang tiyak na darating: Sa Mayo 12, 2025 midterm elections, mawawalis na ang nagpadugyot sa Maynila.
Sa 2025, maibabalik na ang matinong pamamahala sa lungsod na pinabayaan ng kasalukuyang dugyot na pamamahala sa city hall.
Alam ng Manilenyo, kailangan nang bumalik si Yorme, at sila ay patuloy ang paglakas ng panawagan sa kagustuhan na maupo uli si dating mayor, Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa city hall.
Kaya ang social media ay namumulaklak sa panawagang “ISKOmeback” at hashtags na tulad nito: #YormeBumalikKaNa and #ISKOmingBack, at nasasabik sila na bumangon muli ang Maynila at malinis ang nagkalat na dumi, amoy-ebak na paligid ng Liwasang Bonifacio na hindi yata naaamoy ng mga konsehal ng siyudad, at sa pinabanguhang silid ng mga bossing ng city hall.
Ang gusto ng Manilenyo, mag-empake na sina Mayor Honey Lacuna at si Vice Mayor Yul Servo — na papalitan na ni Chi Atienza sa City Council.
At ‘yung mga kongresista ng siyudad na walang ginawa kungdi ang magpabida at paputukin ang bulsa sa pera ng bayan, ramdam na ba n’yo ang papalapit na evacuation n’yo sa Kongreso?
FYI, umigpaw sa rurok ng katanyagan ang Manila sa panahon ni Yorme Isko — natatandaan n’yo, umani ng matitingkad na karangalan ang lungsod gawa ng maayos at matinong gobyerno ni Isko.
Banggitin natin ang ilan sa natanggap na mga karangalan ng Maynila sa panahon ni Yorme, mga kalungsod: Noong 2020, dahil sa matingkad na husay ni Yorme sa klarong governance, ang Maynila, ayon sa Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI), ito ay top ranked sa infrastructure and overall competitiveness for highly urbanized cities.
Mayroon bang ganitong award na natamo sina Honey at Yul, ay wala, kahiya-hiya naman.
Sa larangan ng masigasig at masiglang programa sa ekonomiya at hanapbuhay, 3rd place ang Manila sa katatagan at tibay.
E, kumusta ngayon, parang kaykupad ng galaw ng kabuhayan at trabaho sa Maynila, ang daming tambay at umaasa na lamang sa ayuda.
Hanggang sa umalis sa city hall si Yorme, ang katatagan at tibay ng kabuhayan sa Maynila ay nagpatuloy — na malungkot na hindi itinuloy ng magpakner na Honey at Yul.
Muli noong 2021, nasungkit ng Maynila ang first place awards in infrastructure and government efficiency — at ito ay patotoo sa modernisasyon ng lungsod sa patnubay ni Yorme at kasama noon na si VM Honey, na ewan kung bakit hindi nasundan ang karangalang ito nang maupo sa city hall.
Ano kaya ang pinagkaabalahan ni Doktora Lacuna?
Eto pa ang ibang karangalang natamo ng Maynila sa pamumuno ni Isko, showcasing the city’s dedication to sustained growth and modernization.
Nangibabaw ang pagsisikap ni Yorme Isko na manguna ang Maynila sa digital transformation, at magkasunod na taon–2020-2021, natamo nito ang first place sa Digital Governance Awards, bunga ng makabagong pagtatampok ng COVID-19 Testing Center Web Laboratory Information System.
Eto pa: kumubra ng 2nd place honors sa mabilis at masinop na pagpoproseso ng mga permit, dokumentasyon, pagbibigay ng masinop na pagtrato sa may transaksyon at kaloob na episyenteng serbisyo publiko.
Matatapos na ang tatlong taon ng Lacuna-Servo government, walang ganitong natamong parangal ang Maynila, at ito ay maibabalik sa mamamayan, sa 2025.
Naging modelo at huwaran ang Maynila sa pandemic response at biruan nga noong pandemya, kung pwede raw ipahiram si Yorme Isko sa ibang LGUs para naman matutunan ang tumpak at mabilis na response na nakapagligtas ng maraming buhay ng Pilipino.
Lahat ay pumuri sa 100% COVID-19 vaccination coverage sa Maynila na kahit ang mga ‘di taga-Maynila ay tumanggap ng libreng bakuna, gamot at ayuda para sa mga pasyenteng may Covid at iba pang nakamamatay na sakit.
Alam ito ni Honey, kasi doktora siya, na tumanggap ng natatanging parangal ang Sta. Ana Hospital sa pagtugon sa COVID-19 at sa mahusay na paglilingkod sa mga pasyente.
Eto pa, natamo ng Maynila ang finalist spot sa prestihiyosong aling Pook Awards 2021 na itinanghal ang napakahusay na tugon sa mga hamon ng pandemya.
Tungo sa maayos na paglilinis at pagpapabuti ng anyo ng tubig sa mga estero at daluyang tubig, nanguna ang Maynila sa larangang ito, kaya tumanggap ito ng Most Improved Estero in NCR. (May karugtong)
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.
