PANGASINAN – Nauwi sa malagim na pangyayari ang masayang inuman ng mga senior citizen nang biglang magwala ang isa sa mga ito na naging sanhi ng kanyang kamatayan sa bayan ng Dasol sa lalawigan.
Ayon sa ulat ng Dasol Municipal Police Station, namatay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang isang 62-anyos na lalaki matapos saksakin ng bareta ng kanyang kainuman na 76-anyos na lalaki.
Nabatid na nangyari ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi sa nabanggit na lugar.
Napag-alaman, nag-iinuman ang biktima at ang suspek kasama ng dalawa pang lalaki, nang bigla umanong damputin ng una ang isang bareta at inumpisahang basagin ang jalousie ng bintana ng bahay ng suspek.
Mabilis na namang kumilos ang suspek na bagama’t may edad na ay nagawang agawin ang digging bar na hawak ng biktima.
Pagkaraan ay isang beses na sinaksak ng suspek ng bareta ang biktima sa bandang rib cage nito.
Nagawa pang itakbo sa Dasol Community Hospital ang biktima ngunit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.
Hawak na ng Dasol PNP ang suspek na nahaharap sa kasong homicide. (JESSE KABEL RUIZ)
9