Media, huwag nang gawing testigo sa droga NPC SUPORTADO SI CONG. ERWIN TULFO

SUPORTADO ng National Press Club (NPC) ang panawagan ni ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo na humihikayat sa Senado na maghain ng panukala na huwag nang isama ang media sa mga testigo sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga, bilang bahagi ng inventory team.

Matatandaang bagamat aprubado na ng Kamara ang pag-amyenda sa Section 21 ng Republic Act 9165, wala pa namang naihahaing ganitong panukala ang Senado.

Ayon kay NPC President Leonel Abasola, napapanahon nang maamyendahan ang naturang batas dahil na rin sa panganib na hatid nito sa media personnels, bukod pa sa hassle sa pagdalo sa mga pagdinig.

“Napapanahon na po na maamyendahan ito dahil na rin sa nalalagay sa panganib ang buhay ng media,” pahayag pa ni Abasola.

Dagdag pa niya, tinalakay na ng NPC at iba pang stakeholders ang naturang isyu sa isang consultative meeting sa Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS).

Samantala, sa kanyang panig, nagpasalamat naman si Cong. Erwin sa NPC dahil sa kanilang suporta.

“Nagpapasalamat po ako sa NPC dahil suportado nila ang aking panawagan na huwag nang isama o gawing testigo ang mga mamamahayag sa operasyon ng droga dahil nanganganib po ang buhay ng mga dati kong kasama sa hanapbuhay,” aniya.

78

Related posts

Leave a Comment