ELECTION OFFENSE VS TARLAC GOV ISINAMPA SA COMELEC

PUNA ni JOEL O. AMONGO

ISINAMPA sa COMELEC ang reklamong material misrepresentation laban kay Governor Susan Yap, na isang election offense, pagkansela ng kanyang Certificate of Candidacy at alisin ito sa listahan ng mga kandidato sa darating na May 2025 national and local elections.

Ang reklamo ay inihain ng mga opisyal ng Brgy. Tibag, Tarlac City na sina Punong Barangay Jay-Ar Capulong Navarro at barangay kagawads na sina Larry Espinosa, Mark Campos, Remigio Tabane, Jovelyn Navarro, Wilson Sapad at Dave Basilio.

Sa kanilang reklamo, inilahad nila ang mga patunay ng ginawang material misrepresentation ni Gov. Yap. Ang mga ito ay nagpakita ng tahasang intensyon na linlangin ang publiko na siya ay kwalipikadong tumakbo bilang mayor ng City of Tarlac.

Nakasaad sa batas ang kwalipikasyon pagdating sa residency ng isang kandidato na itinuturing na material representation sa pagsusumite ng Certificate of Candidacy (COC) o pagtakbo sa anomang elected position upang malaman kung saang lugar ito iboboto. Ang residency ay ang lugar kung saan ang kandidato ay may intensyong manirahan at nakikita dito nang personal.

Sa kanyang COC, isinulat ni Gov. Yap na ang kanyang residence ay sa Immaculate Concepcion Subd., Brgy. Tibag, Tarlac City. Hindi totoo ang impormasyong ito, na siya namang inihayag ng mismong kaalyado at kapartido ng Gobernador na si Maria Antonette Belmonte. Lantarang sinabi nito na hindi naman sa Brgy. Tibag nakatira ang gobernadora.

Ayon sa mga nagreklamo, sa loob ng mahabang panahon ay hindi man lamang nila makita ang governor sa idineklara nitong tirahan.

Ang mga duda hinggil sa kanyang residency ay nag-ugat noong November 6, 2024 nang isang kawani ng kapitolyo ang nagsadya sa Barangay Tibag upang humingi ng Certification of Residency para kay Gov. Yap na diumano ay nakatira sa nasabing address.

Nang puntahan ito, bumulagta ang naka-plastic na mga bigas, patong-patong na mga kahon, roll-up door, walang residential fixtures – palatandaan ng isang bodega na hindi lumalarawan sa isang tirahan.

Dahil hindi nila maberipika kung sadyang ang governor ay doon nga naninirahan dahil ang nakita nila ay isang bodega na hindi akma bilang residence, kaya’t hindi sila nag-issue ng certificate of residency.

Sa opisyal na talaan ng barangay na regular na ina-update alinsunod sa Local Government Code, nakumpirma na walang rekord ng paninirahan ni Gov. Yap sa Barangay Tibag. Maging sa Annual Residency Survey mula 2021-2024 ng barangay Health Worker ay walang nakatira sa nabanggit na bodega. Pinatunayan pa umano ito ng guwardya na walang nakatira sa nabanggit na bodega o sinasabing tirahan ni Gov. Yap.

Ang mga Yap ay dating naninirahan sa bayan ng Victoria, Tarlac kung saan naging mayor pa ang kanilang ama na si late Governor Aping Yap. Ngunit nang makabili ang kanilang ama ng rancho sa San Jose, Tarlac ay pinakansela na nila ang kanilang rehistro sa Victoria at lumipat na ang mga ito sa bayan ng San Jose at ngayon naman ay nais ni Gov. Susan Yap na palabasing sa Tarlac City naman naninirahan. Sa kanyang estado at bilang isang Governor na nanungkulan sa loob ng tatlong termino, kataka-taka na ang isang tulad niya ay sa isang bodega lamang maninirahan. Hindi rin ito nakikilahok sa mga aktibidad ng barangay.

Sinadya diumano ang material misrepresentation upang linlangin ang publiko na siya ay kwalipikado sa public office.

Umaasa ang mga nagreklamo na mananaig ang batas at hindi dapat magpatuloy ang panlilinlang mula sa isang gobernador na naglilingkod lamang para sa kanyang ambisyong pulitikal.

41

Related posts

Leave a Comment