MARAMING MAGLALAHONG POLITIKO KUNG EDUKADO MGA BOTANTE

MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT

HINDI ako maniniwala na gagawa ang Kongreso ng batas para tuluyang ipagbawal ang political dynasty sa ating Inang Bayan dahil mayorya sa mga politiko sa ating bansa ay mula sa political families na deka-dekada na sa kapangyarihan.

Mas lalong hindi ako maniniwala na magsasawa ang mga politiko sa kapangyarihan dahil sanggol pa lamang ang kanilang mga anak ay inihahanda na nila para maging kapalit sa kanilang kaharian sa mundo ng politika.

Ang tanging pag-asa para mawala ang mga political dynasty at mga politikong walang silbi ay bigyan ng sapat na edukasyon ang mga kabataan para pagdating ng panahon na sila ay boboto na ay magiging matalino sila sa pagpili ng kanilang mga lider.

Sa ibang bansa tulad ng Singapore at South Korea na halos lahat ng mga tao ay edukado, ay hindi nabibili ang mga botante nila, kaya edukasyon ang tanging sagot sa problema natin sa pagpili ng mga kandidato.

Dito sa Pilipinas ay lantaran ang pagbili sa mga botante na kung hindi sariling pera ang gamit sa pagbili ng boto ay ang mga ayuda program ng gobyerno na ipinagkakatiwala sa mga politiko.

Hindi na ‘yan magagawa ng mga politiko kung may sapat na edukasyon ang mga Pilipino dahil aminin man natin o hindi, mas marami ang mangmang sa ating bayan kaysa nag-iisip ng kinabukasan ng bayan.

Sa ngayon kasi, marami sa ating kabataan ang hindi nakatatapos ng pag-aaral dahil sa kahirapan kaya marami ang hanggang sa elementarya lang ang natapos. Mas lalong mas marami sa hanay ng mga botante ngayon, matanda man o bata pa.

Ang asal kasi ng gobyerno— basta marunong magbasa at magsulat ang isang tao ay ok na sa kanila kaya karaniwan, hindi na iniisip ng mga botante kung tama ba ang kanilang desisyon sa pagpili ng mga lider.

Pero kung tinitiyak ng gobyerno na makatatapos ng pag-aaral ang lahat ng mga Pilipino, malaki ang posibilidad na kusang maglalaho ang political dynasties at pulpol na mga politiko na ginagamit lamang ang posisyon para magpayaman.

Kaya lamang namamayagpag ang ganitong klaseng mga politiko ay dahil hindi sapat ang edukasyon ng mga tao, dahil kaya nilang bolahin at bayaran ang kanilang mga boto, kaya parang pabor sa mga damuhong ito ang kamangmangan ng mas nakararaming mamamayan (ngayon).

Kaya ang solusyon ay simulan na ang pagtuturo sa mga bata ng tamang pagpili ng mga lider tuwing eleksyon. Simulan na ito sa Grade 1 hanggang sa Senior High School para kahit hindi sila makapag-kolehiyo ay nakaukit na sa kanilang isip ang tamang desisyon.

Kung ngayong 2025 sisimulan ang pagsama nito sa curriculum ng Grade 1 hanggang Senior High School, sa taong 2037 ay maraming politikong walang silbi ang mawawala at mawawasak na ang political dynasties.

5

Related posts

Leave a Comment