Kay Yorme Isko, babalik ang dignidad sa Maynila, tiyak yan! (Part 2)

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

‘WAG tayo sa puro salita, dun tayo sa mas masipag sa gawa.

‘Wag tayo sa maingay lamang, ‘wag tayo sa pabida lamang at mayabang, pero walang pruweba.

Performance, achievements, ‘yan ang batayan sa pagpili, ‘yan ang sukatan ng kaalaman, kakayahan, talino at kilos na may kasamang pagmamahal.

Kay Yorme Isko Moreno lang tayo sa Mayo 12.

***

Palabra de honor: ito ang isa sa katangian ni Yorme Isko — siya ay tumutupad sa pangako.

Hindi siya nagsasalita tulad ng karaniwang politiko, na ang pangako ay iyon nga lamang pangako na madalas, sabi nga, ay napapako.

Mga pangako na pang-eleksiyon lamang, na pakunwari ang tulong, paimbabaw ang pagmamahal, pabigay-bigay ng supot ng pagkain, picture-picture, kaway-kaway, yakap-yakap, at iyon, tama na iyon, sapat na iyon.

“Basta ako ay nagbitaw ng salita, gagawan ko ng paraan na ang salitang iyon ay may kasamang gawa,” sabi ni Yorme.

Kuwento niya: “Bumalik ako ng city hall. Ang una kong hinanap pera dahil may lupa na, pag-aari ng gobyerno. In 48 hours, nakahanap ako ng pera.

“One week, nag-design kami ng bahay. Pagkatapos ng bidding, sa ikalawang buwan, nagko-construct na kami. Tingnan n’yo ang Basecommunity — townhouse na may two bedrooms, kitchen, living room, labahan,” kuwento ni Isko.

Bahay para sa tao ang ipinagawa niya sa Baseco: may tubig na may metro; may powerline, e-load ang kuryente.

“Natapos in six months’ time. ‘Pag nilagyan mo ng puso ang ginagawa mo at ‘pag mahal mo talaga ang tao, mabilis matatapos ang lahat,” sabi ni Yorme.

Mga taong Baseco ang magpapatotoo, ibang mangako si Isko, nangyayari, ang salita ay nagiging totoo!

Noong pandemya, Maynila ang unang nagkagamot kaya maraming nailigtas na buhay.

Inayos ang mga pasilidad ng anim na ospital, nagdagdag pa ng isang ospital, ang Corazon Aquino Hospital, pwera pa ang COVID Field Hospital sa Grandstand, at mga gamot, hindi ipinagdadamot, kahit taga-ibang probinsiya ginagamot, pinagagaling, kinakalinga, binubuhay.

Ang Maynila noon ay naging modelo, huwaran ng mabilis na kilos laban sa pandemya, at marami nga ang nagsabi na kung pwedeng hiramin muna si Isko na maging mayor ng bayan o lungsod nila, e paano nga, tunay na kabilib-bilib ang bilis-kilos na aksiyon laban sa kalamidad at emergency.

Mabilis din na nilinis ni Isko ang maruruming bangketa, eskinita at liwasan sa Maynila, at ang infra projects walang hinto at ang trabaho, hanapbuhay, tuloy-tuloy sa pagsulong.

Nang mawala siya sa city hall, nahinto ang progreso, natigil ang sigla, nawala ang gana sa trabaho, hanapbuhay at ang buhay, parang tumigil na.

Kaya ang nais ng Manilenyo, bumalik na si Isko, at mangyayari ang pangako niya, babalik siya, basta naririyan ang ‘di matitinag na suporta, ang mainit na yakap ng pagtitiwala at konting araw na lamang.

Ang pangako ni Yorme Isko: Gusto kong maibalik ang dignidad at magkaroon ng kapanatagan.

Mangyayari ito, ilang tulog na lang, ilang kibot na lang.

Darating na ang Mayo 12, at totoo, babalik na si Yorme Isko, at mga nawalan ng tiwala, mababalik iyon.

Babalik ang glorya ng Maynila, nagawa na ito ni Isko, at mauulit, magagawa niya uli ito.

Kailangan lamang, ibalik ng Manilenyo si Isko sa city hall.

At aaliwalas ang buhay, babalik ang sigla, ang totoong dignidad at kapanatagan, muling dadalaw at mamamalagi sa bahay ng Manilenyo.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

20

Related posts

Leave a Comment