PAGBABAGONG-BIHIS NA INAASAM-ASAM

SA TOTOO LANG

Nakakatuwang marinig na sa pagkapanalo ni Francisco “Isko Moreno” Domagoso bilang bagong alkalde ng Maynila ay nagkaroon ng pag-asa ang mga Manileño.

Hindi kasi maitatanggi ang mga hindi kanais-nais na nararanasan ng mga lokal sa naturang lungsod na ang iba sa pangunahin nilang problema ay ang mga basura, lagay ng trapiko at pagbaha.

Sa isang panayam sa bagong halal na alkalde ay tinatarget nito na sasailalim sa pagiging “bagong-bihis” ang Maynila. Kasama sa pagbabagong ito ay ang buhayin ang Arroceros Park. Aniya ay sisikapin niya at ng kanyang pamunuan na talagang mapreserba ito at gagawing tunay na parke ng kanilang mamamayan.

Sana nga ay mabuhay ring muli ang pasyalang Manila Zoo na sa huling pagbisita rito ng mga tao ay hindi naman talagang matatawag na zoo dahil sa hindi kaaya-ayang amoy, at hindi rin naman tunay na malinis. Dagdag pa riyan ang isyu na nakikita mismo ng mga nagsisipasyalan noon dito ay ang pagtrato sa mga hayop na masasabing kulang sa tamang pag-aalaga.

Malaking isyu rin sa lungsod ang lagay ng trapiko na lumalala dahil na rin sa iba’t ibang rason tulad ng illegal vendors, illegal parking, mga maling sasakyan na wala dapat sa national road at iba pa. Ito ang bagay na sana ay nagkaroon ng maayos na plano at naipatupad ang tamang ordinansa kung mayroon man. Kasi naman nasa mga nagpapatupad talaga iyan. Nasa mga lider ng mamamayan.

Problemang malaki rin ang mga pagbaha sa lungsod na ito na may mga ilang lugar lalo na ang Taft Avenue na kaunting ulan lamang ay nagbabaha na, at ang kulay ng baha ay talaga namang hindi na maganda, sasabayan pa ng trapik at mga pedestrian na wala rin sa tamang lugar na nagiging sanhi ng mabigat na daloy ng trapiko.

Kahit sino naman ay naghahangad ng maayos na komunidad. Pero si¬yempre hindi lang naman ito dapat iasa sa mga lider o namamahala sa isang lugar. Malaking bagay na may partisipasyon din dito ang mga mamamayan para sa maayos na takbo ng pamumuhay sa lugar  – iyan ay kung gusto talaga natin ang pagbabagong-bihis sa sitwasyon natin ngayon. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

152

Related posts

Leave a Comment