‘Di kasama sa DuterTEN plus 2 CAMILLE, IMEE LAGLAG KAY DU30

HINDI sina Camille Villar at Imee Marcos ang karagdagan sa sampung senatoriables na sinusuportahan ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

Lumabas ito matapos ang pahayag kamakalawa ni Davao City Representative Paolo “Polong” Duterte na buo na ang 12 senador na pinal at pormal na ineendorso ng kanyang ama.

Binanggit ito ng batang Duterte sa isang panayam sa labas ng International Criminal Court (ICC) facility sa The Hague, Netherlands kung saan nakakulong ang dating pangulo.

“Final niya inendorse ngayon sa loob, pinapaalam niya sa inyo si Querubin at Honasan,” ani Polong na tumutukoy kina Gringo Honasan at Ariel Querubin na karagdagan sa naunang sampung ‘Duterte’ senatoriables.

Ang tinaguriang DuterTEN ay binubuo nina Atty. Jimmy Bondoc, Ronald “Bato” Dela Rosa, Bong Go, Rodante Marcoleta, Atty. Jayvee Hinlo, Atty. Raul Lambino, Doc. Marites Mata, Pastor Apollo Quiboloy, Atty. Vic Rodriguez, at Phillip Salvador.

Mapapansin sa panayam kay Polong na hindi nabanggit sina Villar at Marcos na naunang inendorso ng kapatid niyang si Vice President Sara Duterte.

“Ipinapaabot niya ang pasasalamat niya sa patuloy ninyong pagsuporta sa kanya at pinapaalam niya sa buong sambayanang Pilipino na patuloy po raw suportahan ang PDP Laban DuterTEN senators plus 2,” banggit pa ni Polong.

Matatandaang personal na itinaas ni dating pangulong Duterte ang kamay ni former executive secretary Vic Rodriguez bilang suporta sa kandidatura nito sa Senado.

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

12

Related posts

Leave a Comment