ITINUTURING ni Vice President Sara Duterte na panloloko o pambubudol na naman sa taumbayan ang pagbebenta ng Department of Agriculture (DA) ng P20 kada kilo ng bigas sa Visayas Region.
Ang P20 kada kilo ng bigas ay tinatawag na election promise na naglalayong palakasin ang tsansa ng senatorial candidates ng administrasyon.
Muli aniya ay sinusubukan na namang lokohin ng administrasyon ang mga tao sa pangako nitong ibenta ang bigas sa P20 kada kilo.
“Well, hindi ko alam kung anong motibo nila. Baka, yes, inaano na nila ang mga tao, binubudol na naman nila ‘yung mga tao sa P20 per kilo na bigas,” ayon kay VP Sara.
Hindi man nagbanggit ng pangalan ang Bise Presidente kung sino ang naghayag ng kanyang campaign promise subalit batid naman ng taumbayan na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ito.
Matatandaang matapos mahalal ay sinabi ni Marcos Jr. na ang bente pesos kada kilong bigas ay isang aspiration.
Sa kasalukuyan, ang local commercial prices sa Metro Manila ay mula P38 hanggang P50 kada kilo at ang imported commercial rice prices naman ay mula P37.00 hanggang P52.00 ‘as of April 13’ depende sa variety, ayon mismo sa data ng DA.
“‘Di ba ‘yan na ‘yung sinasabi nila noon pa na hindi nila magawa hanggang ngayon dahil hindi nila alam kung paano gawin?” ani Duterte.
“At dahil sa totoo lang, nung sinabi yung P20 per kilo na bigas ay nagsisinungaling yung nagsabi. Alam niyang hindi kayanin pero pinaasa niya ang mga tao na ibibigay ‘yun,” dagdag na pahayag nito.
“Promise na naman ‘yan sa mga tao na alam mong para lang sa eleksyon at para lang sa kanilang mga senators, para manalo ‘yung kanilang Alyansa kuno,” patutsada pa ng Bise Presidente.
Kinantyawan din nito ang DA dahil baka ang mga bigas na ibebenta aniya ay hindi makain ng tao kundi pakain sa mga baboy.
Niresbakan naman ng Malakanyang si Duterte sa pagbatikos sa P20 bigas.
“Sana po sa mga lider, ang tunay na lider at ang tunay na Pilipino ay dapat sumusuporta sa kapwa Pilipino lalung-lalo na sa pinuno ng bansa. Huwag sanang pairalin ang crab mentality at huwag maging anay sa lipunan. Magkaisa tayo para matupad ng Pangulo at ng pamahalaan ang mga aspirasyon para sa taumbayan,” ang pahayag ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Samantala, para kay Pangulong Marcos Jr., tinutupad na nito ang kanyang pangako na ibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.
“Twenty] pesos kada kilo na bigas. Iyan ang pangako—at ngayon, sinisimulan na natin itong maisakatuparan sa Visayas region,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang Facebook post.
Ang pilot launch ng pagbebenta ng P20 kada kilo ng bigas sa Visayas ay resulta ng closed-door meeting kasama si Marcos Jr. at ang 12 Visayas governors sa Cebu Provincial Capitol.
Sa ngayon, ang National Food Authority (NFA) ay mayroong 358,000 metric tons (MT) ng rice stocks, na magtatagal ng mahigit sa 9 na araw, higit sa kalahati ng target nito na national rice buffer stock na 15 araw.
(CHRISTIAN DALE)
