KINUMPIRMA ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na miyembro nila ang security detail na nakatalaga kay Davao City Rep. Paolo Duterte.
Subalit tiniyak at nilinaw ni AFP Public Affairs Office (PAO) Chief, Col. Xerxes Trinidad, ang security detail ng mambabatas ay aprubado ng Commission on Elections (Comelec) alinsunod sa umiiral na mga panuntunan sa panahon ng halalan.
Ayon kay Col. Trinidad, gumagawa na sila ng hakbang para imbestigahan at beripikahin ang pagkakakilanlan ng mga tauhan nitong nakatalaga sa mambabatas.
Makikipag-ugnayan din ang AFP sa Philippine National Police (PNP) at sa iba pang kinauukulang mga ahensya na nag-iimbestiga sa naturang kaso.
Kasunod nito, tiniyak din ni Trinidad na mananatiling propesyunal at disiplinado ang buong hanay ng Sandatahang Lakas.
Nabatid na bukod sa dalawang pulis, dalawang sundalo rin ang sinasabing nakatalagang security detail ni Duterte.
At sa lumabas na police report ng Davao City PNP, kinilala ang dalawang sundalo na kapwa miyembro ng Philippine Air Force na kasalukuyang bineberipika kung kasama sa kumakalat na CCTV footage sa loob ng Hearsay Bar.
(JESSE KABEL RUIZ)
