NAGWAKAS na ang pagtatago ni dating Police Lt. Col. Rafael Dumlao III, ang itinuturong utak sa pagdukot at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo noong 2016.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, naaresto si Dumlao sa isinagawang law enforcement operation sa isang bahay sa Pasong Tamo, Quezon City.
Hindi na umano nakapalag si Dumlao nang dakpin ng mga awtoridad dahil natutulog ito sa loob ng bahay. Nakumpiska rin umano sa kanya ang isang baril.
Matatandaang dinukot si Jee mula sa kanyang tahanan sa Angeles City, Pampanga noong Oktubre 2016 sa ilalim ng umano’y police anti-drug operation.
Gayunman, lumitaw sa imbestigasyon na pinatay rin ang Koreanong negosyante sa loob mismo ng Camp Crame sa Quezon City sa araw ding iyon.
“The killing of Jee Ick-Joo, ito yung resulta ng abuso sa tokhang. Kasi ang ginawa sa kanya, kinatok lang sa pintuan at sabi, it was a drug raid. Kinuha siya which turned out to be a kidnapping,” ani Remulla sa isang pulong-balitaan.
“Yung tokhang kasi gave too much license to the PNP operatives to do things at their whim without the process of law,” dagdag pa niya.
Natagpuang patay si Jee sa loob ng Camp Crame at agad ding pina-cremate na naging isa sa mga pinakakontrobersyal na kaso na kinasangkutan ng ilang miyembro ng pulisya.
Noong 2019, pinawalang-sala si Dumlao ng Pampanga Regional Trial Court ngunit binaligtad ng Court of Appeals ang desisyon noong 2025 at muling pinanagot siya sa kaso.
(JESSE RUIZ)
72 