UMANI ng papuri mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine Navy dahil sa mabilis nitong pagtugon sa mga naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Si Pangulong Marcos ang nagsilbing panauhing pandangal sa pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Philippine Navy sa punong himpilan nito sa Roxas Boulevard, Maynila, kung saan pinasinayaan rin ang pinakabagong barkong pandigma ng hukbong-dagat.
“In these critical moments, we witness the enduring commitment of the Philippine Navy to protect and serve the Filipino people,” ani Pangulong Marcos sa kanyang talumpati.
Pinuri ng Pangulo ang agarang pagkilos ng hukbong-dagat matapos ang malakas na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao noong Hunyo 8.
Ayon sa Pangulo, agad na inactivate ng Naval Forces Eastern Mindanao (NFEM) ang kanilang disaster response mechanisms at inilagay sa heightened alert ang kanilang rescue teams para sa humanitarian assistance at emergency response operations.
“Today, we gather to celebrate 128 years of the Philippine Navy at a time when many of our fellow Filipinos are facing the aftermath of the strong earthquake that struck parts of Mindanao yesterday,” ani Pangulong Marcos.
Kasabay nito, nanawagan ang Pangulo para sa higit pang pagpapalakas at modernisasyon ng Philippine Navy upang matugunan ang mga hamon sa seguridad ng bansa.
Sa okasyon ay pinasinayaan rin ang BRP Rajah Lakandula, ang pinakabagong asset ng Philippine Navy na inaasahang magpapalakas sa kakayahan nito sa maritime security at territorial defense operations.
“It is highly mission capable, and definitely it will be deployed not just in the West Philippine Sea but across the archipelago from north to south, from west to east,” pahayag ni Philippine Navy spokesperson Captain Marissa Martinez.
Ayon kay Martinez, makatutulong ang bagong barko sa pagpapalakas ng maritime situational awareness ng bansa, kabilang ang mas epektibong pagmamanman sa mga barko at sasakyang panghimpapawid na dumaraan sa maritime domain ng Pilipinas.
“It strengthens our ability to protect our seas, our sovereignty, and our maritime interests in the area. It stretches our operational reach because the ship itself is modern,” dagdag niya.
(JESSE RUIZ)
70 